Michael V

Michael V tumanggi bilang host ng bagong noontime show

Eugene Asis Mar 12, 2024
62 Views

KILALA rin si Michael V. bilang isang TV host, bukod sa pagiging komedyante. Pero huminto siya sa pagho-host simula noong 2019.

Isa si Bitoy (popular na tawag kay Michael V) sa hosts ng ‘Eat Bulaga’ mula 2004 hanggang 2016. Kung matatandaan, dito rin siya natuklasan bilang pantapat sa sikat na sikat noong si Andrew E.

Bukod sa EB, naging host din si Bitoy ng ‘Hole in the Wall,’ isang game show kasama si Ogie Alcasid at ng talent shows na ‘Bitoy’s Showwtime’ at “Lip Sync Battle Philippines.’

Noong Lunes, nag-renew si Bitoy ng contract sa Kapuso network. May mga usap-usapan na lilikha ang GMA7 ng sarili nitong noontime show bilang kapalit ng namaalam na ‘Tahanang Pinakamasaya.’ Handa ba si Bitoy na bumalik sa pagho-host kung sakali, at sa isang noontime show?

“Parang hindi pa time. There’s a reason why I left ‘Eat Bulaga’ before. I think it’s the same reason kung bakit hindi pa siguro ako sasabak,” ani Bitoy nang matanong pagkatapos ng contract signing.

Sa isang vlog, ipinaliwanag ni Bitoy na huminto siya sa pagho-host dahil mas naging abala siya sa ibang mga proyekto.

Sa pagtakbo ng kanyang karera na umaabot na ng tatlong dekada, kabilang sa mga accomplishments niya ang pagiging utak sa likod ng ‘Bubble Gang’ at ng TV sitcom na “Pepito Manaloto.”

Mahirap ding makalimutan (at tapatan) ang kanyang mga parody noon pa, at nitong mga huli tulad ng “Uhaw,” “Gusto Ko Nang Bumitaw” and “Raining in Manila”

Noong 2019, sumabak din si Bitoy bilang direktor ng isang makabuluhang pelikula, ang “Family History” sa ilalim ng GMA Pictures.

Samantala, may mga nagsasabi na kung sakali mang tanggihan ni Bitoy ang mag-host ng isang noontime show ay dahil na rin sa respeto niya sa Tito, Vic and Joey team kung kanino siya tumanataw ng malaking utang na loob.