Just In

Calendar

May 2025
M T W T F S S
 1234
567891011
12131415161718
19202122232425
262728293031  
LTO

Motorbike vlogger pinagpapaliwanag ng LTO kaugnay ng Zambales road rage

Jun I Legaspi May 2, 2025
17 Views

ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na isulong ang kaligtasan sa kalsada, ipinatawag ng Land Transportation Office (LTO) ang isang kilalang motorcycle vlogger kaugnay ng insidente ng road rage sa Zambales, na naging viral sa social media.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, pinagsusumite ng paliwanag si Yanna Moto Vlog kung bakit hindi dapat suspendihin o kanselahin ang kanyang lisensya sa pagmamaneho, dahil sa umano’y pagiging improper person to operate a motor vehicle bunga ng kanyang asal sa nasabing insidente.

“Matagal na tayong nagpapaliwanag sa milyon-milyong nating mga kababayang motorista na walang mabuting idinudulot ang init ng ulo sa kalsada—at napakarami na ang naparusahan natin dito,” pahayag ni Asec. Mendoza.

“Sa kaso ng vlogger na ito, sana ay ginamit na lamang niya ang kanyang impluwensiya sa social media upang itaguyod ang responsableng pagmamaneho at kaligtasan sa kalsada,” dagdag pa niya.

Batay sa video na namonitor ng LTO Social Media Team, makikitang itinaas ni Yanna Vlog ang gitnang daliri sa driver ng isang pick-up truck dahil umano sa mapanganib nitong pagmamaneho.

Kalaunan, nilapitan siya ng pick-up driver upang tanungin kung bakit niya ginawa ang nasabing kilos, at upang ipaliwanag na hindi madali ang normal na pagmamaneho sa baku-bakong kalsada.

Sa halip na humupa, ipinagpatuloy pa ni Yanna Vlog ang pakikipagtalo at nakuhang magsalita pa ng mga mapanirang komento kahit nakaalis na ang pick-up driver.

Una nang sinabi ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vice B. Dizon na lalabanan ng pamahalaan ang mga pabaya at iresponsableng driver upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng gumagamit ng kalsada, lalo na sa harap ng tumataas na bilang ng mga aksidente at insidente ng road rage.

Bagamat humingi na ng paumanhin si Yanna Vlog matapos makatanggap ng pambabatikos online, iginiit ni Asec. Mendoza na tuloy ang imbestigasyon.