maharlika

MPBL, Cignal TV nagkasundo para April 25 opening

Robert Andaya Apr 10, 2022
379 Views

NAGKASUNDO ang Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) at Cignal TV para sa pagpapalabas ng fourth season ng nasabing liga simula April 25 sa Batangas City Sports Coliseum.

Ito ang pahayag ni Sen. Manny Paquiao, chairman at founder ng nangungunang regional league sa bansa, matapos ang kanyang pulong sa mga opisyales ng Cignal, ang premyadong DTH satellite provider, sa Conrad Manila Hotel sa Seaside Blvd., Pasay City kamakailan.

Sina Pacquiao at MPBL Commissioner Kenneth Duremdes ang pumirma sa kasunduan kasama sina PGNL president at CEO Ernesto “Bong” Santamaria at Cignal chief revenue officer Guido Caballero.

Kasama din nila sa nasabing contract-signing sina Patrick Paez, Cignal head of news content, Sienna Olaso, VP of channels and content, at Miguel Vea, AVP head of channel management and programming.

Sinaksihan din ito ng karamihan sa mga team owners or representatives ng 32 teams ng MPBL, gayundin nina operations head Emmer Oreta at league operations coordinator Joe Ramos

May kabuuang 20 teams, sa pangunguna ng MPBL inaugural champion Batangas City Athletics at Datu Cup champion San Juan Knights ang lalahok sa round-robin elimination round .

Bukod sa Batangas at San Juan, lalahok din ang Nueva Ecija, Pampanga, Makati, Bataan, Valenzuela, Manila, Zamboanga, Imus, Bacolod, Saranggani, General Santos City, Negros Occidental, Mindoro, Pasig, Rizal, Quezon City, Marikina at Caloocan.

Una dito, nagpahayag ng agam-agam sa paglahok ang Pasig, San Juan, at Rizal. Gayundin, handa na din ang Quezon City, Marikina at Caloocan na lumiban muna ngayong taon.

Subalit nakumbinse ang nasabing anim na teams na lumahok matapos makipag-pulong kay Pacquiao.

Ang iba pang alinlangan lumahok bunsod ng pandemic ay ang mga member-teams na Bacoor, Laguna, Pasay, Bicol, Cebu, Iloilo, Bulacan, Navotas, Parañaque, Basilan at Davao Occidental.

Inanunsyo naman ni Pacquiao na ilang percentage ng league earnings ngayong taon ay ibibigay sa mga team owners bilang ayuda ng MPBL.

Bukod sa One Ph, na available sa higit 4-million subscribers ng Cignal TV, mapapanood din ang mga MPBL games sa United States, Canada at Middle East sa pamamagitan ng Kapatid Channel.