NBI Iniharap ni NBI Director Jaime Santiago ang suspek na si Mike Romero matapos maaresto ng mga ahente sa kinalalagyan nito sa Pagadian City. JONJON C. REYES

Nag-upload ng ‘headshot’ kay PBBM dinampot ng NBI

Jon-jon Reyes Oct 8, 2025
212 Views

INARESTO ng National Bureau of Investigation – Cybercrime Division (NBI-CCD) si alias “Mike Romero” sa Pagadian City dahil sa pag-uudyok sa sedisyon sa ilalim ng Artikulo 142 ng Revised Penal Code (RPC) kaugnay ng Republic Act No. 10175 (Cybercrime12) Prevention, nitong Martes.

Nag-ugat ang pag-aresto sa isang Facebook post ng isang user na kinilalang si Mike Romero.

Ang post ay nakakuha ng atensyon sa social media dahil sa caption nito na, “Headshot,” kasama ng imahe ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na binalutan pa ng pulang arrow.

Bilang tugon, agad na naglunsad ng imbestigasyon ang mga ahente ng NBI-CCD.

Sa pamamagitan ng cyber patrolling, natukoy nila ang indibidwal na responsable sa post.

Noong Oktubre 6, 2025, nagtungo sa Pagadian City ang mga ahente ng NBI-CCD para hulihin ang suspek sa isang hot pursuit operation. Sa joint operation ng mga ahente ng NBI-Pagadian District Office (NBI-PAGDO), nagsagawa sila ng surveillance operations na matagumpay na natukoy ang tirahan ng suspek.

Noong Oktubre 7, 2025, nang makaharap ng mga ahente si Romero, ay inamin na siya ang may-ari ng Facebook account na Mike Romero. Kasunod ng pag-amin na ito, inaresto siya ng mga ahente ng NBI at ipinaalam sa kanya ang kanyang mga karapatan sa konstitusyon. Ang subject na si Romero ay dinala sa opisina ng NBI-CCD sa Pasay City, kung saan sumailalim siya sa standard booking procedures.

Pinuri ni Director Santiago ang mga ahente ng NBI-CCD at NBI-PAGDO sa matagumpay na operasyon. Hinikayat niya ang publiko na gamitin ang social media nang responsable at iwasang mag-post ng malisyosong content..