Suspek1

Nagnenok umano ng gadgets laglag sa mga parak

Edd Reyes Feb 24, 2025
11 Views

SWAK sa selda ang lalaking tumangay umano ng dalawang laptops at cellphone sa bodega ng iba’t-ibang produkto noong Lunes sa Valenzuela City.

Tiklo sa mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Nixon Cayaban sa Area 4, Pinalagad, Malinta dakong alas-2:35 ng madaling araw si alyas Ranuel na kinilala ng Human Resource Manager ng kompanya na si alyas Ela, 27, na siyang kumuha ng mga gadgets sa kanilang bodega.

Ayon kay Col. Cayaban, natuklasan ni Ela ang pagkawala ng dalawang laptop at isang cellular phone ng may kabuuang halagang P105,000 nang buksan niya ang opisina dakong alas-12:41 ng tanghali noong Linggo.

Pagnanakaw ang kasong inihain ng pulisya laban sa suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office matapos mabawi sa kanya ang mga gadgets na kanyang kinulimbat.