Bro. Marianito Agustin

Nakahanda rin ba tayong mag-sakripisyo ayon sa kagustuhan at plano ng Diyos para sa atin? (LUCAS 1:26-38)

93 Views

Angel“Sumagot si Maria. “Ako’y alipin ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi. Pagkatapos, umalis na ang anghel”. (LUCAS 1:38)

SA ATING buhay dito sa ibabaw ng mundo. Mayroon tayong mga plano na nais nating mangyari, mga bata pa lamang tayo ay mayroon na tayong pinapangarap para sa ating kinabukasan.

Isang ambisyon na nais nating matupad sa ating paglaki. Kaya naman tayo ay nagsisikap ng husto sa ating pag-aaral upang magkaroon ng katuparan ang mga pangarap na nais nating makamtan.

Naniniwala ba kayo na ang mga pangarap na iyan na ating nakamtan ay ang pangarap din ng Panginoong Diyos para sa atin? Maniniwala rin ba kayo na iyan ang kaniyang plano? Kung anoman ang narating natin ngayon sa buhay. Iyan ay sa kadahilanang, iyan ang kagustuhan ng Diyos para sa atin.

Ang usapin ng “plano” o binabalak ang matutunghayan natin ngayon sa Mabuting Balita (LUCAS 1:28-38) patungkol sa pagdiriwang bukas (December 9) ng Immaculate Concepcion matapos suguin ng Panginoon ang Anghel Gabriel para kausapin ang isang dalaga na nagngangalang Maria.

Si Maria ay nakatakda na sanang ikasal kay Jose na kaniyang kasintahan, isang lalaki buhat sa angkan ni Haring David. Subalit may ibang plano ang Diyos para sa kaniya, siya ay maglilihi at ipanganganak ang isang sanggol na tatawagin niyang Jesus. Itinakda ng Panginoon ang planong iyon para kay Maria. (LUCAS 1:27-33)

Kung ikaw halimbawa si Maria at nakatakda na ang pakikipag-isang dibdib mo sa iyong katipan, pagkatapos sa isang iglap ay bigla na lamang mababago ang lahat ng iyong mga plano at paghahanda?

Kung sa ating modernong panahon, naka-set na ang lahat, ang catering, mga kinuha niyong Ninong at Ninang. Pati na ang Simbahang pagkakasalan niyo ay naka-ready narin. Tapos, walang kaabog-abog ay biglang magbabago ang lahat? Iba pala ang mangyayari?

Ganito ang sitwasyong kinaharap ni Maria noong mga panahong iyon. Ngunit, sa halip na pangibabawin niya ang kaniyang personal na kagustuhan. Siya ay nagpa-ubaya sa kagustuhan at plano ng ating Panginoon. Kagaya niya ang isang mabuti at tapat na Sundalo. Sumunod muna siya at hindi nag-reklamo.

ANG PLANO NG DIYOS PARA KAY MARIA:

Mayroon nang plano si Maria para sa kaniyang kinabukasan at pagpa-pamilya sa pamamagitan ni Jose. Subalit dahil sa katapatan niya sa ating Panginoong Diyos. Ipina-ubaya niya ang anomang pina-plano niya, isinuko niya ang planong ito at sa halip ay nagtiwala siya ng buong-buo sa kalooban ng Diyos ng walang anomang bahid ng pag-aalinlangan.

Maaaring ilan sa atin ang hindi naniniwala kay Maria o sa Birheng Maria. Okey lang iyan, ginagalang ko ang inyong paniniwala. Subalit ang isang bagay na hinding-hindi natin maikakaila o maitatanggi ay ang sakripisyong ibinibigay ng Ina ni Jesus para sundin ang kalooban ng Panginoong Diyos na marahil ay hindi natin kayang gawin.

Kaya ba nating isakripisyo ang personal nting mga plano alang-alang sa Diyos? Kaya ba nating isuko ang ating buhay alang-alang sa paglilingkod sa Panginoon? Maaaring marami ang hindi naniniwala kay Maria ngunit nakatatak na sa kasaysayan ng ating pananampaltaya bilang mga Kristiyano na hindi matatawaran at hinding-hindi mapapasubalian ang naging sakripisyo ni Maria para arugain at palakihin si Jesus na anak ng Diyos.

Tiniis ni Maria ang lahat ng hirap mula sa panganganak, pagpapalaki kay Jesus hanggang sa mga panahong nakabayubay na sa Krus ang kaniyang anak habang naghihirap at unti-unting nalalagutan ng hininga.

Ang pinaka-masakit para sa isang Ina ay ang mamatayan ng anak. Para itong isang punyal na tumatarak sa kaniyang dibdib. Napakasakit at napaka-hirap, subalit ito’y binalikat at tiniis lahat ni Maria alang-alang sa kagustuhan ng Panginoong Diyos.

PAWANG KABUTIHAN LAMANG ANG PLANO NG DIYOS PARA SA ATIN:

Minsan, may mga pangyayari naman sa ating buhay na sinasabi nating kagustuhan ng Diyos para sa atin. Marahil ay totoo at maaaring hindi naman totoo. Halimbawa ay napariwara ang ating buhay at nasangkot tayo sa iba’t-ibang mga problema na para bang napalubog tayo sa isang kumunoy. Iyan ba ay kagustuhan ng Diyos?

Papaano ba natin malalaman ang kagustuhan ng Panginoong Diyos para sa atin? Unang-una sa lahat. Tayo ay taimtim na manalangin at humingi tayo wisdom mula kay Lord kung ano ba ang kaniyang kagustuhan at iyon ang ating susundin. Kung ano ang idinidikta ng ating puso. Iyon ang kagustuhan at plano ng Diyos para sa atin. Yun ang ating gawin. Huwag tayong lilihis sa nais niyang mangyari kundi tayo ay maliligaw.

LUMILIHIS TAYO SA PLANO NG DIYOS:

Minsan, ang problema kasi ay lumilihis tayo ng landas. Hindi tayo sumusunod sa anomang plano ng Panginoon para sa atin. Ang pinipili natin ay ang sarili at personal nating mga plano, kaya kapag nabulilyaso o pumalpak tayo sa mga plano natin. Ang Diyos pa ang ating sinisisi na para bang siya pa ang may kasalanan kung bakit tayo nagka-ganyan.

May mga pagkakataon na nakakagawa tayo ng mga pagkakamali sa ating buhay. Ang isa sa mga dahilan niyan ay sapagkat naging padalos-dalos ang ating pagde-desisyon. Ang lagi nating ikinakatuwiran ay: Ito ang gagawin natin dahil ito ang magpapasaya o magdudulot ng kaligayahan sa atin. Subalit hindi lahat ng ikaliligaya natin ay yun ang tamang desisyon o kaya ay ang makakabuti para sa atin.

Ang umiral sa atin ay “PRIDE” o kayabangan. Hindi natin hinihingi ang tulong ng Diyos at nagde-desisyon tayo ng sarili natin. Kaya kapag tayo ay pumalpak sa ating pasya. Sa Diyos pa natin isinisisi ang ating pagkakamaling tayo ang may kagagawan. Hindi ba’t “unfair” naman iyan para sa Panginoon. Ang pagkakamali natin ay sa kaniya natin ibabaling?

ARAL NG EBANGHELYO:

Ang hamon sa atin ngayon ng Pagbasa ay ang pagsunod din natin sa kalooban ng Diyos. Nakahanda rin ba tayong sundin ang kaniyang kalooban para mapabuti din ang ating buhay? Ang kailangan lamang natin ay ang magtiwala sa kagustuhan at plano ni Lord para sa atin. Ipaubaya natin ang lahat sa kaniya at makakaasa tayo na hinding magkakamali ang Diyos sa mga plano niya para sa atin.

𝗔𝗠𝗘𝗡