Calendar

Nanangay ng motor, 4 tiklo sa parak
HULI ang apat na suspek na puwersahang tumangay sa motorsiklo ng 22-anyos na estudyante noong Miyerkules sa Valenzuela City.
Armado pa ng baril ang hinihinalang lider na grupo na si alyas Makmak, 30, ng madakip ng mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Nixon Cayaban.
Nasilo din sina alyas Tata, 21, alyas Gabby, 49, at alyas Pilay, 47.
Sa pahayag ng biktimang si alyas John kay P/Capt. Dodie Aguirre ng Dalandanan Police Sub-Station (PPS)-6, hinarang at tinutukan siya ng baril ng mga suspek na sakay ng dalawang motorsiklo habang dumadaan sa West Service Road, Brgy. Parada at puwersahang inagaw ang kanyang Yamaha Mio motorcycle.
Nakapagsumbong si alyas John at nahuli ang suspek 10 minuto pa lang ang nakalilipas makaraan ang pagtangay sa motorsiklo.
Gayunman, hindi naging madali sa pulisya ang pagdakip sa apat bunga ng pagpalag at pagtatangkang tumakas.
Nang isa-isang kapkapan, nakuha kay alyas Makmak ang walang dokumentong kalibre .38 na revolver, limang bala at shabu na may halagang P25,976.
Positibo namang kinilala ng biktima ang apat, pati na ang nabawing motorsiklo na tinangay ng mga suspek.