Nancy3 Naghain si. Senator Nancy Binay ng COC sa pagka-mayor sa Makati City.

Nancy nangakong dadalin Tatak Binay na sinimulan ng ama

55 Views

ANG senyales na nag-udyok kay Senador Nancy Binay na tumakbo bilang Mayor ng Makati ay nanggaling mismo sa kanyang ama, ang patriyarka ng kanilang pamilya, dating Bise Presidente Jejomar Jojo Binay.

“Nung nag approach ako sa kaniya at ipinaalam ko na tatakbo akong Mayor ng Makati, tinulungan niya ako sa pag-review ng certificate of candidacy at yun na nga ang sign ko. Kapag ang ama ko mismo ang magbigay ng blessing niya sa gagawin ko. Dahil ang sinimulan niya na kilala na natin ngayon bilang Tatak Binay ang siya pa rin na dadalhin ko,” pagbabahagi ni Senador Binay sa isang panayam matapos na pormal siya maghain ng kandidatura sa pagtakbong mayor ng Makati.

Sa kanyang social media post, pinasalamatan ni Nancy ang kanyang ama, dating Bise Presidente Binay, sa kanyang gabay at tiwala habang inihahanda niya ang kanyang kandidatura. Personal na nirepaso at nilagdaan ng kanyang ama ang kanyang mga dokumento ng nominasyon, na sumisimbolo sa pagpapatuloy ng pamana ng paglilingkod ng pamilya Binay sa Makati.

Ang panahon ng paghahain ng certificate of candidacy (COC) para sa eleksyon ng 2025 ay nagsisimula mula Oktubre 1 hanggang 8, at inaasahan ang maraming politikal na aspirante na magpapatibay ng kanilang mga kandidatura.

“Yung sign lang na yan ang hinihintay ko. Nakuha ko ang suporta ng tatay ko. At hindi naman si Abby na kapatid ko ang makakalaban ko dito. Sana makumbinsi siya ng kapatid ko na huwag kaming maglaban-laban ng asawa niya, dahil at the end of the day ay pamilya pa rin kami dahil asawa siya ng kapatid ko,” dagdag pa ni Nancy.

Ngayong Martes, Oktubre 1, 2024, pormal na naghain si Senador Binay ng kanyang certificate of candidacy (COC) para sa pagka-Mayor ng Makati City sa opisina ng Commission on Elections (COMELEC) sa Barangay Valenzuela, Makati, sa unang araw ng filing period para sa 2025 elections.

Dati nang naghayag si Binay ng kanyang alinlangan tungkol sa pagtakbo bilang mayor, pangunahing dahilan ang kanyang kapatid, ang kasalukuyang Mayor ng Makati na si Abby Binay, kung saan ay nagnanais ang asawa nito na, si Congressman ng Makati na si Luis Campos, ang humalili sa kay Mayor Abby.

Gayunpaman, pagkatapos ng maingat na pag-iisip, nagpasya si Nancy na ituloy ang kanyang kandidatura matapos makuha ang senyales na hinhingi mula sa langit.

“Nais ko po ipagpatuloy ang serbisyo Binay ng aking ama na tumatak sa puso ng mga taga-Makati,” diin ni Binay.

Sa pagninilay tungkol sa kanyang desisyon na tumakbo, binigyang-diin ni Nancy na matagal nang nakatuon ang kanyang pamilya sa paglilingkod sa Makati. Binanggit niya ang kahalagahan ng pagpapatuloy ng pangangalaga at atensyon na naibibigay ng kanyang pamilya sa mga residente ng lungsod sa loob ng maraming dekada.

Ang pakiramdam ng senadora na tungkulin nila tignan ang kapakanan ng mga residente ng lungsod at naging pangunahing dahilan ng kanyang desisyon na ituloy ang pagtakbo sa pagka-mayor.

Ang Makati ay naging balwarte ng pamilya Binay mula pa noong 1986, kung saan iba’t ibang miyembro ng pamilya ang nagkaroon ng mahalagang posisyon sa pamumuno ng lungsod.

Sa darating na eleksyon, si Nancy ay tatakbo kasama si dating aktor at politiko Monsour del Rosario, na tatakbo bilang bise alkalde.

Ang paglipat ni Nancy Binay mula sa pambansang politika patungo sa lokal na politika ay kasabay ng inaasahang pagtakbo ng kanyang kapatid na si Abby sa pagka-senadora sa eleksyon ng 2025.

“Susuportahan ko si Abby sa kandidatura niya sa Senado. Hindi kami magkaaway. Magkapatid pa rin kami at ate niya pa rin ako. Very qualified siya para maging senador,” ayon kay Sen. Nancy.

Ang pamilya Binay ay may malaking impluwensya sa politika ng Makati, at ang hakbang na ito ay nakikita bilang isang estratehiya upang mapanatili ang kanilang kontrol sa lungsod habang pinalalawak ang kanilang impluwensya sa pambansang antas.

Si Nancy ay matagal nang nasa pulitika, nagsilbing senador mula pa noong 2013. Sa kasalukuyan, siya ang tagapangulo ng Senate Committee on Sustainable Development Goals, Innovation, and Futures Thinking, kung saan itinataguyod niya ang mga polisiya na nagpo-promote ng pangmatagalang paglago ng Makati.