Posas

Nangholdap ng 3, nakapatay ng 1 nabitag ng mga parak

51 Views

NATIKLO ng mga pulis ang suspek na itinuturong sumaksak at nang-holdap sa tatlo katao na nagresulta sa pagkamatay ng isa at pagkasugat ng dalawa noong Miyerkules sa Quezon City.

Inihahanda na ng pulisya ang mga isasampang kaso sa suspek na si Arnel Abrasado Asoy, 31.

Dead-on-arrival sa East Avenue Medical Center ang biktimang si Christian Zorbito Dahes, 33, habang ginagamot pa sa Quezon City General Hospital sina John Aaron Kabigting, 16, at Jonalyn Mazo Guerrero, 38.

Sa report ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) nangyari ang insidente dakonga alas-11:00 ng gabi sa harap ng National Bureau of Investigation office sa Maria Clara corner Araneta Avenue, Brgy. Sto. Domingo, Quezon City.

Batay sa salaysay ng isang saksi, nakita niyang pinagsasaksak ng suspek si Dahes saka tumakas dala ang balisong.

Nakasalubong naman ng suspek si Kabigting na kanyang hinoldap subalit nanlaban at tumakbo na sinundan pa rin ng suspek hanggang sa ma-korner at sinaksak.

Dito na sumaklolo ang biktimang si Guererro na tinangka ring holdapin ng suspek saka sinaksak.

Tiyempong nagpapatrolya ang mga pulis na sina PMSG Mark Joseph Alonte at PCpl Mark Anthony Bassig ng PS-1, QCPD sa lugar at inaresto ang suspek.