Galvez

NTF Chief inirekomenda 2nd booster para sa seafarer, OFW

273 Views

INIREKOMENDA ni National Task Force against COVID-19 chief implementer at vaccine czar Secretary Carlito Galvez, Jr. ang pagbibigay ng ikalawang booster shot sa mga seafarer at Overseas Filipino Workers (OFW).

Sinabi ni Galvez na makatutulong ito sa paglaban sa sub-variants ng Omicron na kumakalat ngayon sa ibang bansa.

Ayon kay Galvez dalawang sub-variant ng Omicron ang natukoy sa South Africa at isa sa Estados Unidos at posible na makapasok ang mga ito sa bansa.

Ang natukoy umanong BA.4 at BA.5 variant ng Omicron na nakita sa South Africa at Europa ay mga variant of concerns na maaaring kumalat at maging sanhi ng muling paghihigpit.

“Inuulit po namin na very imminent na po na tataas ang ating mga kaso at very vulnerable ang mga hindi pa bakunado dahil 95% po ng namamatay ay unvaccinated,” dagdag pa ni Galvez.

Sinimulan na ng gobyerno ang pagbibigay ng ikalawang booster shot sa mga indibidwal na immunocompromised.