Ambush

OFW inambush ng RIT sa Arayat, sugatan

Bernard Galang Sep 18, 2025
1367 Views

ARAYAT, Pampanga — Isang 49-anyos na overseas Filipino worker (OFW) ang nasugatan matapos siyang pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang salarin sa Barangay Telapayong, Arayat nitong Miyerkules.

Sa ulat kay PRO3 director Brig. Gen. Ponce Rogelio Penones Jr., kinilala ng Pampanga police ang biktima na si alias Bernie, residente ng naturang barangay.

Batay sa paunang imbestigasyon, nakikipag-inuman umano si Guevarra sa kanyang mga kasamahan sa gilid ng kalsada nang dumating ang dalawang lalaki sakay ng pulang Honda Click motorcycle. Kapwa nakasuot ng helmet ang mga suspek.

Bumaba umano ang back rider ng motorsiklo, nilapitan si Guevarra, at pinaputukan ito, na tumama sa kanyang kanang hita at kaliwang braso. Sa kabila ng tinamong sugat, nakipaglaban pa ang biktima bago tumakas ang mga suspek patungong Barangay San Antonio, Arayat.

Agad na isinugod si Guevarra sa Dr. Andres Luciano District Hospital sa Magalang para gamutin.

Nakarekober naman ang mga rumespondeng pulis ng dalawang basyo ng .45 kalibreng baril at isang airsoft magazine sa lugar ng krimen.

Patuloy ang follow-up investigation upang matukoy ang pagkakakilanlan at motibo ng mga salarin.