BOC

P17M halaga ng Kush itinago sa sofa, nakumpiska ng BOC-Clark

80 Views

NASAKOTE sa joint inspection na pinangunahan ng Bureau of Customs (BOC) – Port of Clark ang mahigit 10 kilo ng Kush o high-grade marijuana na tinatayang P17.169 milyon ang halaga, na itinago sa loob ng one-seater sofa.

Nakasama ng BOC-Clark sa inspeksyon ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police – Aviation Security Group (PNP-AVSEG), National Bureau of Investigation (NBI) Pampanga District Office, Department of Justice (DOJ) at mga opisyal ng barangay Dau.

Batay sa rekord, dumating ang shipment noong Agosto 6, 2024 at idineklaara na dalawang “One Seat Sofa” ang laman nito.

Minarkahan ang shipment matapos itong dumaan sa X-ray Inspection Project (XIP) ng BOC. Sa K-9 sniff test ay nakakita rin ng indikasyon na mayroong nakatagong iligal na bagay sa loob.

Sa isinagawang physical inspection, natuklasan ang kabuuang 23 self-sealing transparent plastic sachet na may lamang pinatuyong dahon ng marijuana, at fruiting tops.

Nagpositibo sa isinagawang chemical laboratory analysis ng PDEA na marijuana ang laman ng mga plastic sachet.

Nagpalabas ng Warrant of Seizure and Detention laban sa shipment kaugnay ng paglabag sa Section 118(g), 119(d), at 1113 paragraphs f, i, at l (3 and 4) ng R.A. No. 10863, o ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), kaugnay ng R.A. No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Pinuri ni District Collector Erastus Sandino B. Austria ang dedikasyon ng mga tauhan ng BOC sa pagganap ng kanilang tungkulin na labanan ang ipinagbabawal na gamot.

Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., tiniyak ni Commissioner Bienvenido Y. Rubio ang pagpapatuloy ng maigting na kampanya ng ahensya sa paglaban sa ipinagbabawal na gamot.

“BOC pledges to prevent smuggling and protect the country’s borders and our citizens’ well-being against the dangers and ill-effects of illegal drugs and substances,” sabi ni Rubio.