P20/kilo rice sa Visaya ilarga na–DA sa NFA

Cory Martinez Apr 27, 2025
18 Views

INATASAN ni Department of Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. ang National Food Authority (NFA) na umpisahan na ang repositioning ng supply ng bigas sa Visayas bilang paghahanda sa paglulunsad ng P20/kilo rice program.

Nakakuha na ang DA ng clearance mula sa Commission on Elections (Comelec) upang ipatupad ang P20/kilo program sa rehiyon.

Ang inisyatiba pagtupad sa campaign promise ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong 2022. Paghahatian ng Food Terminal Inc. at mga kalahok na lokal na pamahalaan ang subsidiya para sa mababang presyo ng bigas.

“Aabot ng ilang linggo bago mailipat ang libu-libong 50-kilo bags ng bigas mula sa mga bodega ng NFA, particular mula sa Mindoro patungo sa iba’t-ibang lugar sa Visayas,” ani Tiu Laurel, na pinuno rin ng NFA Council.

Magmumula sa reserbang NFA ang mga ibebentang bigas na umabot na sa five-year high na 378,157 metric tons o katumbas ng 7.56 million bags ng bigas. Sapat ito upang pakainin ang lahat ng mga Pilipino sa loob ng 10.

Ang mga NFA warehouse sa Iloilo pa lamang mayroon ng katumbas na 862,409 na sako ng bigas.

Sinabi ni NFA Administrator Larry Lacson na kailangang dalhin ang mga bigas mula sa Mindoro upang mapunan ang mga lugar na limitado ang produksiyon ng tulad ng Cebu, Negros Island Samar at Leyte.

Ipinaliwanag niya na ang paglilipat ng 40,000 na sako ng bigas mula sa Mindoro patungong Cebu, halimbawa aabot ng hanggang isang buwan.

Binigyang-diin naman ni Tiu Laurel na napili ang Visayas bilang pilot run para sa P20/kilo rice program dahil mataas kaysa average ang antas ng kahirapan sa rehiyon.

Sa ilang rehiyon gaya ng Negros island at Eastern Visayas, ang poverty rate higit pa sa doble–22.6 percent at 20.3 percent.

Ang mga gobernador mula sa Visayas ang nag-endorso na sa programa at handa nilang balikatin ang bahagi ng subsidiya.

Inaasahang tatakbo lamang hanggang Disyembre ang naturang inisyatiba, pero pinag-aaralan na ng DA ang plano kasunod ng direktiba ni Pangulong Marcos Jr. na palawigin ang inisyatibo sa buong bansa at mapanatili ito hanggang 2028.

Ang inisyatibo makakatulong din upang mapaluwag ang mga bodega ng NFA at makabili ng mas maraming palay mula sa mga lokal na magsasaka sa mas mataas na presyo.