Calendar

P20 per kilo ng bigas ni PBBM, tuloy-tuloy, tiniyak ni Speaker Romualdez
TINIYAK ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na magtutuloy-tuloy ang programang P20 kada kilo na bigas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., na inilunsad sa Visayas, dahil sa inaasahang pagtaas ng ani ng palay bunga ng mas pinaigting na suporta ng pamahalaan sa sektor ng agrikultura.
Ito ang inihayag ng pinuno ng Kamara sa isang panayam kasabay na rin ng inagurasyon ng Castañas Centro Communal Irrigation System sa Barangay Castañas, Sariaya, Quezon noong Miyerkoles.
Sinabi ni Speaker Romualdez na malaki ang maitutulong ng mga solar-powered pump irrigation projects (SPIPs) upang mapanatili ang programang P20 kada kilo bigas dahil mababawasan nito ang gastos ng mga magsasaka at mapararami ang kanilang ani.
“Ay malaking bagay itong proyekto na solar irrigation sa munisipyo ng Sariaya. So yung nagyayari ngayon sa Visayas ay talagang magiging sustainable dito, hindi lang sa Sariaya kundi sa buong Luzon,” ani Romualdez.
Sinasaklaw ng proyektong solar irrigation sa Sariaya ang 50 ektarya at nakikinabang dito ang 33 pamilyang magsasaka, na ngayon ay may sapat at tuloy-tuloy na supply ng tubig at hindi na kailangang umasa sa mamahaling diesel pumps.
Dahil sa solar irrigation system na ginawa ng National Irrigation Administration (NIA), nakakatipid na ang mga magsasaka sa Sariaya ng tinatayang ₱80,000 kada cropping season.
“Kaya napakaganda itong programa ng NIA na itong solar irrigation. Kasi menos na ang gastos, libre ang patubig, solar—wala nang gastos sa krudo, at syempre lalago ang ani dito sa kada ektarya,” dagdag pa ng mambabatas.
Binigyang-diin din ng lider ng Kamara na mayroong 306kinatawan, na sa mga lugar na may solar irrigation mula sa NIA, tumaas ang ani ng mga magsasaka dahil nagkakaroon sila ng pagkakataong makapagtanim ng dalawang beses sa isang taon, kumpara sa dating isang beses lang.
“Nakikita nga natin na sa lahat ng mga natapos na (solar irrigation project) na turn over napakaganda po ang ani, ang harvest po. Hindi lang isang beses lang makakaplanting kayo, dalawang planting season pa. Kaya lalago (ang mga pananim) at magiging mas efficient (ang pagsasaka),” saad pa ng pinuno ng Kamara de Representantes.
“At itong sinasabing pagbaba ng presyong bigas hanggang beinte (pesos), talagang magiging sustainable at talagang maabot kaya ng lahat,” giit pa ni Romualdez.