Calendar
P500M tulong pinansyal, serbisyo hatid ng Serbisyo Fair sa 80,000 Zambaleños
MAHIGIT P500 milyong halaga ng tulong pinansyal, pangkabuhayan, scholarship at iba pang serbisyo ng pamahalaan ang inihatid ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa may 80,000 residente ng Zambales ngayong Sabado hanggang Linggo.
Ayon kay Speaker Martin G. Romualdez, isa sa nangungunang tagapagsulong at taga-suporta ng serbisyo caravan, desidido ang administrasyong Marcos na mailapit sa taumbayan ang serbisyo ng gobyerno sa pamamagitan ng BPSF na ginanap sa Botolan People’s Plaza sa bayan ng Botolan sa Zambales. Ito ang kauna-unahan sa Central Luzon.
Kinatawan ni Speaker Romualdez, na nagsilbing tagapagsalita sa pagbubukas ng BPSF nitong Sabado, si Pangulong Marcos.
“Ipapaabot natin ang pagmamahal ng ating Pangulong Bongbong Marcos sa mga Zambaleños sa pamamagitan ng Serbisyo Caravan na ito. Dadalhin namin ang serbisyo ng pamahalaan sa inyo, tulad ng pangako ng ating mahal na Pangulo,” sabi ni Speaker Romualdez.
“As instructed by President Marcos, we are here to bring government services and programs closer to the people. We thank all the people behind this service caravan that has benefitted so many Filipinos so far,” saad ng lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 miyembro.
“When we started the Serbisyo Fair last year, we never imagined that it would be a resounding success like what we’ve seen in the provinces we’ve visited. Kaya patuloy natin itong gagawin sa mga susunod na buwan dahil nakikita natin ang direktang benepisyo nito sa mga mamamayan,” dagdag pa niya.
Kabilang naman sa mga kongresista na dumalo BPSF event sina Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd Dist Rep. Aurelio “Dong” Gonzales, Bataan 2nd District Rep. Albert Garcia, Bataan 3rd District Rep. Maria Angela Garcia, Bulacan 1st District Rep. Danny Domingo, Bulacan 2nd District Rep. Tina Pancho, Bulacan 6th District Rep. Salvador Pleyto, Nueva Ecija 4th District Rep. Emeng Pascual, Pampanga 4th District Rep. Anna York Bondoc, Tarlac 3rd District Rep. Noel “Bong” Rivera, at Pusong Pinoy Parylist Rep. Jett Nisay.
Ang BPSF sa Zambales ang ika-10 sa serye ng serbisyo caravan na naglalayong dalhin sa lahat ng 82 probinsya sa bansa.
Sina Zambales Rep. Doris “Nanay Bing” E. Maniquiz, kasama si Zambales Gov. Hermogenes “Jun” Edejer Ebdane Jr. at Botolan Municipal Mayor Jun Omar Ebdane, ang nagsilbing local host ng event.
Nasa 170 serbisyo mula sa 46 na ahensya ng pamahalaan ang inilapit sa may 80,000 benepisyaryo na nagpalista para sa dalawang araw na serbisyo fair.
Kabuuang P500 milyong halaga ng programa at serbisyo ang dinala sa lalawigan kasama ang P154 milyong halaga ng tulong pinansyal.
Kabilang sa serbisyong ikinasa ang panglalawigang payout ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS), isang programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa lahat ng 18 munisipalidad. Nasa 26,000 indibidwal ang nabigyan ng kabuuang P52 milyong halaga ng tulong.
Namigay din ang Commission on Higher Education (CHED) ng scholarship at livelihood assistance naman ang hatid ng Department of Labor and Employment (DoLE).
Dumalo rin sa serbisyo fair sina DICT Sec. Ivan John E. Uy, Migrant Workers OIC-Secretary Hans Leo J. Cacdac, Jr., at Senior Deputy Speaker Rep. Aurelio “Dong” D. Gonzales, Jr., ng ikatlong distrito ng Pampanga.
Isang libreng Pasasalamat Concert rin ang inihanda sa Zambales Sports Complex, sa bayan ng Iba sa unang gabi ng Serbisyo Fair. Inaasahang makikibahagi sa konsyerto ang nasa 35,000 na indibidwal.