Calendar
P9.8M smuggled na sigarilyo nasamsam ng BOC sa Davao
NASAMSAM ng Bureau of Customs (BOC) sa Port of Davao, sa tulong ng mga lokal na otoridad, ang 251 master cases ng smuggled na sigarilyo na nagkakahalaga ng P9.861 milyon.
Ang kontrabado ay itinago sa pekeng courier truck na naharang sa checkpoint na inilatag ng Task Force Toril sa ilalim ng Task Force Davao.
Agad na nakipag-ugnayan ang Task Force Toril sa Enforcement and Security Service ng BOC-Port of Davao upang kumpirmahin ang dokumento ng mga sigarilyo.
Nasamsam ng otoridad ang 251 master cases na naglalaman ng 50 ream ng sigarilyo bawat isa. Ang mga ito ay isinama umano sa mga crates at personal na gamit upang hindi mapansin.
Muling iginiit ni Commissioner Bienvenido Y. Rubio ang pangako ng ahensya kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na patuloy na paiigtingin ang pagbabantay laban sa mga kontrabandong ipinupuslit sa bansa.
Ang matagumpay na pagkumpiska sa mga smuggled na sigarilyo ay alinsunod sa five-point priority program ng BOC na naging posible sa suporta ni District Collector Maita S. Acevedo ng BOC – Port of Davao.