Pagbaba ng retirement age ng mga guro isinusulong sa Senado

216 Views

IGINIIT ng dalawang senador na napapanahon ng pag ukulan ng pansin ang pagrerebisa ng mga batas upang matulungan ang mga guro sa pampublikong paaralan gayundin ang kasalukuyan sistem ng K to 12 kung saan ay sinabi rin nila na ito ay tuwiran tugon sa panawagan ng Pangulong Marcos Jr.

Ayon kay Senator Francis Chiz Escudero, napapanahon na aniya ang pagrebisa ng batas kung saan ay ibaba ang compulsory retirement age ng mga guro at iba pang empleyado sa ilalim ng Department of Education (DepEd) mula 65 years old pababa sa 60 na edad.

Sa kanyang Senate Bill No. 58, sinabi ni Escudero na ang panukalang ito ay sasakop hindi lamang sa mga guro kundi maging sa mga tauhan ng mga pampublikong paaralan kung saan ang headcount para sa School Year 2019-2020 ay umabot na sa 800,000.

“If enacted into law, this proposed legislation will benefit hundreds and thousands of retirable DepEd personnel, both teaching, and non-teaching, who would want to spend the prime of their lives doing other occupations other than their usual functions in the government,” ani Escudero, na siyang chairman ng Senate Committee on Higher Education, Technical and Vocational Education.

“Mas marapat na bigyan natin ang mga kawani ng mahaba-habang panahon para sa kanilang pamilya. There is more to life than work,” dagdag pa ni Escudero.

Ayon pa sa Senador mula sa Sorsogon ang naturang panukala ay tinawag niyang New DepEd Retirement Age Act, na magbibigay na panibagong pamamaraan upang mapag ukulan ng pansin ang pagsasaayos ng mga panibagong sistema at pamamaraan para masigurong naitataas ang qualidad ng edukasyon sa pampubliko at pribadong sektor.

“This measure shall also open the doors of opportunities to young teachers and non-teaching aspirants for the jobs at the Education Department,” paliwanag ni Escudero.

Karagdagan dito ay ang paglilinaw din na susunod ang nasabing panukala sa itinatadhana na polisiya ng Government Services Insurance System (GSIS) kung saan ay papayagan makapag silbi ang mga guro at iba pang tauhan ng DepEd hangang 65 kung 15 taun pa lamang siyang nagsisilbi sa kanyang posisyon.

Para naman kay Senador Sherwin Gatchalian, binigyang diin niya ang kanyang priority measures sa sektor ng edukasyon na susuporta sa mga programa at polisiyang pang-edukasyon ng administrasyon.

Sa nagdaang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo, binanggit niya na masusing pinag-aaralan ng administrasyon ang K to 12 system. Matatandaang inihain ni Gatchalian ang Proposed Senate Resolution No. 5 na nagsusulong ng pagrepaso sa pagpapatupad ng Enhanced Basic Education Act of 2013 o K to 12 Law (Republic Act No. 10533). Sakop ng nasabing pag-aaral ang paghain ng mga solusyong mag-iibayo sa pagpapatupad ng batas, lalo na’t dumarami ang bilang ng mga Pilipinong hindi kuntento sa sistema ng K to 12.

“Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, makikipagtulungan tayo sa administrasyon upang tiyaking maihahatid natin sa bawat kabataang Pilipino ang dekalidad na edukasyon,” ani Gatchalian.

Ayon pa sa Pangulo, dapat umakyat ang ranggo ng Pilipinas sa mga international rankings pagdating sa Science, Technology, Engineering and Mathematics (STEM), na matagal na ring ipinapanawagan ng senador. Batay sa naging resulta ng Trends in International Mathematics and Science Study (TIMMS) 2019, labing tatlong porsyento lamang ng mga mag-aaral sa Pilipinas na nasa Grade 4 ang nakaabot ng minimum benchmark sa Math, samantalang labing-siyam na porsyento lamang ang nakaabot ng minimum benchmark sa Science.

Dahil sa mahalagang papel ng mga guro sa pagkatuto ng mga mag-aaral, hinimok ni Gatchalian ang administrasyon na tiyakin ang ganap at maayos na pagpapatupad ng Excellence in Teacher Education Act (Republic Act No. 11713) na layong mag-aangat ng kalidad ng teacher training at education sa bansa.

Inihain din ni Gatchalian ang Senate Bill No. 476 o ang Equitable Access to Math and Science Education Act na magtatatag ng mga math at science high school sa bansa, lalo na sa mga probinsya kung saang wala pa nito.

Binigyang diin ng Pangulo ang pangangailangan ng mga kabataan pagdating sa internet, mga computer, at mga gamit para sa pag-aaral. Upang paigtingin ang digital transformation ng basic education sector, matatandaang inihain ni Gatchalian ang Senate Bill No. 383 o ang Digital Transformation in Basic Education Act. Inihain din niya ang Senate Bill No. 474 o ang One Learner, One Laptop Act na layong makapagbigay ng laptop sa bawat mag-aaral ng K to 12 sa mga pampublikong paaralan.

Hinimok din ni Pangulong Marcos sa Kongreso ang muling pagkakaroon ng Mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) sa senior high school, bagay na ipinanukala ni Gatchalian sa kanyang Senate Bill No. 387.