Diaz

Pagbubukas ng PSC facilities sa publiko, health advocacy ni PBBM pinuri ni Speaker Romualdez

360 Views

HINIKAYAT ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang mga Pilipino na gamitin ang mga track and field facilities ng Philippine Sports Commission (PSC) matapos ianunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) noong Lunes na bubuksan na ito sa publiko.

Sa kanyang SONA, iniutos ng Pangulo sa mga lokal na pamahalaan na buksan ang mga parke, plaza, track and field oval, at iba pang open spaces para sa mga Pilipinong gustong mag-ehersisyo at mapabuti ang kalusugan. Inatssan din niya ang Philippine Sports Commission (PSC) na buksan ang mga pasilidad nito para sa publiko.

Noong Martes, inanunsyo ng Philippine Sports Commission (PSC) na bukas na sa publiko ang kanilang mga track and field facilities sa Rizal Memorial Sports Complex sa Maynila, Philsports Complex sa Pasig, at Teachers’ Camp sa Baguio City. Araw-araw itong maaaring gamitin nang libre mula 3:00 ng hapon hanggang 10:00 ng gabi.

“The President’s order to open public sports spaces—such as parks, plazas, and track and field ovals—comes at the right time. Our health is a treasure that must be protected through proper nutrition, medical consultation when needed, and regular physical activity,” ayon kay Speaker Romualdez.

Ayon sa kanya, ang mga pasilidad ng PSC ay maaaring gamitin bilang ligtas na lugar kung saan makakapag-bonding ang mga pamilya at makakapagtipon ang mga komunidad para isulong ang kalusugan sa pamamagitan ng sports at ehersisyo.

“Our country’s open spaces and sports facilities are for everyone to enjoy. I encourage Filipinos of all ages to visit the PSC’s facilities, exercise safely away from traffic, and build healthy habits that will serve them for life,” dagdag pa ng pinuno ng Kamara.

Pinuri rin ni Speaker Romualdez ang malawak na paraan ng Pangulo sa pagpapabuti ng kalusugan ng mga Pilipino — mula sa mas madaling pag-access sa masustansyang pagkain at serbisyong medikal, hanggang sa pagbibigay ng ligtas na lugar para sa pag-eehersisyo ng lahat.

“Hangga’t maaari, dapat nating pagsikapan na tayo ay magkaroon ng isang proactive lifestyle—hindi lamang para gumaan ang timbang, kundi para sa pangkalahatang kalusugan,” ayon sa kongresista.

Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng mga aktibidad tulad ng fun runs, dance classes, at mga local sports program, at sinabing maraming pag-aaral ang nagpapakita na ang regular na ehersisyo ay may kaugnayan sa maraming benepisyo sa kalusugan, tulad ng mas malusog na puso, mas maayos na kalusugan ng pag-iisip, mas matibay na resistensya, at mas mababang panganib ng mga chronic disease gaya ng obesity, type 2 diabetes, at ilang uri ng cancer.

Ayon sa ilang pag-aaral, ang mas mataas na pisikal na aktibidad—kahit ito ay aerobic, pampalakas ng katawan, o para sa flexibility—ay may kaugnayan sa mas mababang mortality rate at mas magandang kalidad ng buhay. Nakakatulong din ito sa paglalabas ng endorphins na nagpapasaya at nagpapaganda ng pakiramdam.

Ayon kay Speaker Romualdez, lubos na sinusuportahan ng Kamara de Representantes ang adbokasiya ng Pangulo sa pagpapalakas ng kalusugan ng sambayanang Pilipino.

“Handa kaming maglatag ng mga panukala o maglaan ng karampatang pondo para sa maisulong ang mga programa na magtataguyod sa layuning ito ng ating Pangulo para sa Bagong Pilipinas – kung saan ang ating mga kababayan ay malusog, masaya, at ligtas sa anumang karamdaman.”