1PACMAN PARTYLIST

Paggamit ng Bagong Pilipinas kinatigan ng 1-PACMAN Party List Group

Mar Rodriguez Jul 17, 2023
173 Views

KINATIGAN ni 1-PACMAN Party List Congressman Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D., ang naging kautusan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa mga ahensiya ng gobyerno na gamitin ang “Bagong Pilipinas” brand na naglalarawan sa komprehensibong pamumuno ng pamahalaan.

Sinabi ni Congressman Romero na angkop na angkop ang “Bagong Pilipinas” brand sa kasalukuyang pamahalaan para maipakita mismo ng administrasyong Marcos, Jr. sa Pilipino na seryso ang kaniyang liderato na paglingkuran ang interes ng mamamayan partikular na ang mga mahihirap na pamilya.

Ipinaliwanag ni Romero na napakahalaga din na maramdaman ng mga Pilipino ang de-kalidad na paglilingkod ng iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan lalo na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at iba pang ahensiya na nagsisilbi sa interes ng mahihirap na mamamayan.

Nauna rito, sa pamamagitan ng tatlong pahinang memorandum circular na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, inatasan ni Pangulong Marcos, Jr. ang lahat ng ahensiya ng gobyerno na kabilang na ang mga Government Owned and Controlled Corporation (GOCC) na gamitin ang Bagong Pilipinas campaign.

Dahil dito, naniniwala din si Romero na malaki ang magagawa ng “Bagong Pilipinas” campaign para mas lalo pang manumbalik ang kompiyansa ng publiko sa pamahalaan sapagkat makikita nila mismo na ang seryoso ang administrasyon na maibigay sa kanila ang de-kalidad na paglilingkod.

Samantala, namahagi naman ng medical assistance si Congressman Romero para sa mga mahihirap na residente ng Barangay Pitogo, Makati City.