Calendar
Paggamit ng nuke energy isinulong ni Cojuangco
ISINUSULONG ngayon ng isang Northern Luzon congressman ang paggamit ng “Nuclear Energy” sa bansa sa harap ng napakataas na singil sa kuryente, peligroso at iba pang mga kadahilanan na lalo lamang nagpapahirap sa mamamayang Pilipino.
Sinabi ni Pangasinan 2nd Dist. Rep. Mark O. Cojuangco na panahon na upang hindi maging alipin ng napakataas na singil sa kuyente ang mamamayang Pilipino. Kabilang na dito ang kulang at hindi maasahang kuryente na isa mga problema ng mga electric consumers.
Dahil dito, ipinapanukala ni Cojuangco, Chairman ng House Special Committee on Nuclear Energy, ang paggamit ng “Nuclear Energy” na sa tingin niya ay mas mura, malinis (emission and pollution free) at reliable o maasahan (does not rely on the weather).
Ipinaliwanag ni Cojuangco na isang malaking hamon para sa kaniyang komite ang pamamaraan kung paano maipaparating sa mamamayang Pilipino ang mga benepisyong maaaring mapakinabangan sa pamamagitan ng paggamit ng “Nuclear Energy”.
“Ang hamon po sa ating komite ay kung papaano maipaparating sa taong bayan ang kaalaman tungkol sa kahusayan ng at benepisyo ng nuclear energy para maisagawa ang mga batas para maihatid ang mga nclear power plants sa kanila,” sabi ni Cojuangco.
Nangako din ang kongresista na ilalabas ng kaniyang komite ang lahat ng buong katotohanan kaugnay sa “Nuclear Energy” at iba pang usapin hinggil dito para malaman ng bawat mamamayan ang kahalagahan ng nasabing enerhiya sa panahon ng napakataas na singil sa kurente.
Iginiit pa ni Cojuangco na ang “Nuclear Energy” ay hindi hamak na mas mura at mas malinis.