Khonghun Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun

Pagkadismaya ng kabataan kay VP Sara may pinatunayan

25 Views

NANINIWALA si Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun na maraming kabataan at estudyante ang dismayado kay Vice President Sara Duterte, kaya pabor ang mga ito na siya ay mapatalsik sa puwesto.

Ito ang reaksyon ni Khonghun, chairman ng House special committee on bases conversion, sa resulta ng survey na isinagawa ng Centre for Student Initiatives (CSI) kung saan lumalabas na walo sa bawat 10 mga estudyante sa kolehiyo o katumbas ng 84.8 porsiyento ang pabor na matanggal sa puwesto si VP Duterte.

Ayon kay Khonghun, na isa ring House Assistant Majority Leader, mas tumingkad ang sentimyento ng mga estudyante dahil marami sa kasalukuyang mga college students ang nakaranas ng uri ng pamumuno ni VP Duterte noong ito pa ang kalihim ng Department of Education (DepEd) mula 2022 hanggang 2024.

Sa online survey na isinagawa ng CSI mula Pebrero 28 hanggang Marso 16 gamit ang non-probability sampling, naitala sa 1,696 estudyante mula sa 2,000 na respondents, o 84.8 porsiyento, ang sumagot ng oo sa tanong: “Do you believe Sara Duterte should be removed from office?”

Ayon din sa survey, 73.9 porsiyento o 1,477 mula sa 2,000 ng mga respondents ang nais na magsimula ang impeachment court bago ang halalan sa Mayo.

“Makikita po natin sa survey na ito na kahit ang mga estudyanteng malamang naabutan siyang DepEd secretary, naniniwalang dapat na siyang maalis sa puwesto. Bakit, ika n’yo? Malamang dahil hindi rin maganda ang kanyang pamamalakad noon sa DepEd,” ani Khonghun.

“Kung sa DepEd pa lang, palpak na ang pamumuno, paano pa ngayon na mas matindi ang mga alegasyon ng katiwalian?” tanong ng mambabatas.

Ayon kay Khonghun, ang impeachment complaint laban kay VP Duterte ay naglalaman ng malalaking akusasyon ng panunuhol at katiwalian habang siya ay namumuno sa DepEd.

“Kung ganito ang klase ng pamumuno niya sa DepEd, hindi naman kataka-taka kung bakit maraming estudyanteng naniniwalang dapat na siyang matanggal sa puwesto. Dagdag pa natin d’yan ang usapin na hindi naman talaga hinarap ng bise presidente ang mga problema ng mababang kalidad ng edukasyon, kakulangan sa mga gamit at iba pang isyu sa DepEd noong termino niya,” dagdag ni Khonghun.

Binigyang-diin ni Khonghun ang kahalagahan ng pakikinig sa boses ng mga kabataan, na mismong naranasan ang mga kabiguan sa pamumuno ni VP Duterte.

“Pakinggan natin ang pulso ng ating kabataan. Sila ang pinaka-apektado sa mga desisyon at pagkukulang ng isang lider na nagkulang sa kanyang tungkulin. Harapin na lamang niya ang mga alegasyon laban sa kanya. Kung wala talaga siyang ginawang masama, bakit siya umiiwas?” tanong ni Khonghun.