Calendar
Pagkaing kontrabando banta sa kalusugan ng consumers
MAGANDANG araw sa ating mga kababayan, lalo na sa mga suki natin sa Japan at iba pang panig ng daigdig.
Nawa’y nasa mabuti at ligtas kayong kalagayan.
Binabati natin sina Ma. Theresa Yasuki, Mama Aki ng Ihawan, Winger dela Cruz, Glenn Raganas, Patricia Coronel, La Dy Pinky, Endo Yumi, Roana San Jose, Yoshiko Katsumata, Josie Gelo, Hiroki Hayashi, at Hiroshi Katsumata.
Binabati rin natin si Joann de Guzman at mga kasama niya sa Oman; Dolores Monfero, Delia Sunga ng Saudi Arabia.
God bless sa inyong lahat!
***
Ang ismagling, technical o outright, ay nananatiling malaking sakit ng ulo ng gobyerno, mga negosyante, magsasaka at ng taumbayan, lalo na ang mga consumers sa buong bansa.
Problema ng gobyerno nasyonal ang ismagling, lalo na ng Bureau of Customs (BOC) dahil apektado ang revenue collection nito.
Malaking pera ang nawawala sa gobyerno dahil hindi ipinagbabayad ng buwis, taripa at iba pang bayarin ang mga kontrabandong pumapasok sa bansa.
Ang mga lehitimong negosyante naman ay adversely affected dahil hindi nabibili ang kanilang mga tinda.
Dahil imported at mas mura ang mga kontrabando, ito ang tinatangkilik ng mga mamimili.
Kagaya ng mga negosyante, ang mga magsasaka naman ay namimilipit na sa hirap dahil nilalangaw ang kanilang mga produkto sa mga palengke.
Hindi nila puwedeng ibenta ng palugi ang kanilang mga produkto, kagaya ng mga gulay at isda, dahil sa taas ng production costs.
Kaya kung minsan ay may nababalitaan tayong mga itinatapon na lang sa kalsada ang mga gulay na hindi mabili.
Problema kasi ng mga magsasaka ang mga nabubulok na gulay, na kagaya ng kamatis. Dagdag gastos pa kung dadalhin nila sa basurahan ang mga bulok na gulay.
At dahil hindi dumadaan sa inspeksyon ang mga pagkaing kontrabando, isang maliwanag na banta ito sa kalusugan ng mga consumers.
***
Noong February 4-5 ay naglunsad ang Bureau of Customs (BOC), kasama ang ibang partner agencies, ng isang malawakang anti-cigarette smuggling operations sa Western Mindanao at Zamboanga City.
Dito ay nakasakote ng mga otoridad, sa pangunguna ng mga taga-BOC, ng mga illicit cigarette na nagkakahalaga ng mahigit na P634 milyon.
Ang malawakang anti-smuggling operations ay nagpapatunay lamang na seryoso ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na i-address ang problema ng ismagling.
Kasama sa operasyon ang Department of National Defense (DND), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Navy (PN) at Philippine National Police (PNP).
Sa totoo lang, ang ismagling, revenue collection, trade facilitation at kampanya laban sa katiwalian at korapsyon sa aduana ang tinututukan ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno.
Noon ding February 26 ay pinirmahan ang isang memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng BOC at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Sa pamamagitan ng MOA ay inaasahang lalong mapapaganda ang ugnayan ng BOC at PDEA sa kanilang anti-illegal drug campaign.
Ang MOA ay pinirmahan ni Commissioner Nepomuceno at PDEA chief Isagani Nerez, isang retiradong police general.
Talagang napapanahon ang desisyon nina Nepomuceno at Nerez na lalong paigtingin ang kanilang ugnayan para matigil na o mabawas ang illegal drugs trade.
Ito ay pagsunod sa kautusan ni Pangulong Marcos na protektahan ang kalusugan ng bawat mamamayang Filipino.
Maraming tao, karamihan ay mga kabataan, ang nasisira ang kinabukasan dahil sa pagkalulong sa mga ipinagbabawal na gamot.
***
Isang buwan na lang matatapos na ang mga klase sa mga pribado at pampublikong paaralan sa buong bansa.
Dahil limang araw lang ang pasok ng mga bata sa isang linggo, meron na lang 20 araw ang naiiwang class days bago matapos ang semester.
Ang graduation rites sa mga pampublikong paaralan ay nakatakdang ganapin sa March 29-30.
Pagkatapos ng commencement exercises ay “bakasyon grande” na naman ng mga bata.
At dahil sa sobrang init ng panahon, mapipilitan ang mga magulang na dalhin sa mga shopping mall at beach resort ang mga bata.
Ang mga mahihirap ay magtitiyaga na lang sa public plazas.
(Para sa inyong komento at pagbati, mag-text sa:+63 9178624484/email:philipreyes08@yahoo.com.)

