Fresnedi

Pagkakaloob ng “monthly health insurance” sa mga public school teachers iminungkahi

Mar Rodriguez May 15, 2023
162 Views

DAHIL sa napakalaki at mahalagang papel na ginagampanan ng mga public school teachers, nais ng isang Metro Manila solon na ma-enroll ang mga naturang guro sa Health Maintenance Organization (HMO) o ang pagkakaloob sa kanila ng “monthly health insurance coverage”.

Inihain ni Muntinlupa City Lone Dist. Congressman Jaime R. Fresnedi ang House Bill No. 61 sa Kamara de Representantes upang mabigyan ng karampatan o kaukulang benepisyo ang mga guro sa mga pampublikong paaralan sa pamamagitan ng monthly health insurance coverage o HMO.

Sinabi ni Fresnedi na kinikilala ng kaniyang panukalang batas ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga public school teachers sa paghuhubog sa kanilang mga estuyante bilang isang responsable at mabuting mamamayan.

Ipinaliwanag pa ni Fresnedi na hindi rin matatawaran ang napaka-importanteng tungkuling ginagampanan ng mga public school teachers upang tiyakin ang magandang edukasyon o learning development ng mga mag-aaral sa abot ng kanilang makakaya at ibinibigay na de-kalidad na serbisyo.

Gayunman, ipinabatid ng mambabatas na bagama’t mayroon ng Universal Healthcare Law. Subalit may mga public school teachers parin ang umaangal o umaalma dahil sa kakarampot nilang sahod ay hindi nila makayanang makakuha man lamang ng health insurance at iba pang kauri nito.

Dahil dito, nais isulong ni Fresnedi ang pagkakaloob ng HMO para sa mga guro sa mga pampublikong paaralan na itinuturing nitong isang magandang investment o “smart investment” upang mabigyan sila ng proteksiyon.