Calendar
Pagkuha ni VP Sara ng 16 abogado pakita na hustisya ‘pang-mayaman’
NAKAKAINTRIGA ang pagkuha ni Vice President Sara Duterte ng 16 na mga abogado-de kampanilya para ipagtanggol siya sa kakaharaping impeachment trial
Hindi naman siguro pro-bono ang serbisyo ng mga magagaling na abogado na mula sa bantog na law firms lalu na’t sa ngayon, ang pinakamababang acceptance fee ng mga abogado-de-kampanilya ay P100,000 at pinakamababa namang appearance fee ay P5,000.
Ipagpalagay ng pumayag sa pinakamababang halaga ang mga kinuhang abogado ni VP Sara bilang pagtulong sa kanya kaya kung sa P100,000,00 acceptance fee, gagastos siya ng P1.6 milyon para sa serbisyo ng 16 na mga abogado habang P80,000 kung P5,000 kada araw ang kanilang appearance fee.
Kung tatagal ng 90-araw ng walang pahinga ang paglilitis na gagawin araw-araw, sa acceptance fee pa lang, kung dadalo lahat ang 16 na abogado, ay aabot sa P7.2 milyon ang bayad sa kanila.
Hindi naman siguro kailangan na humarap silang lahat araw-araw sa paglilitis kaya mababawasan pa ang ibabayad na acceptance fee ni VP Sara.
Sa katayuan sa buhay ng Bise Presidente, kaya naman niyang tustusan ang gastusin sa mga kinuha niyang magagaling na abogado pero para naman yatang pinapatunayan lang nito ang paniniwala ng marami na ang hustisya at para lang sa mayayaman at makapangyarihan.
Pagunlad ng Navotas, hindi mapipigilan ng mga pagbaha
MALAKING problema pa rin sa Navotas City ang pagbaha sa kabila ng napakarami na nilang naitayong pumping station dahil na rin sa hindi maiiwasang kadahilanan tulad ng pagkasira ng dike at ng navigational gate.
Pero sa kabila nito, mabilis pa ring natutugunan ang umuusbong na problema na tanda ng pag-unlad ng Navotas.
Nito nga lang nakaraang ilang araw, pinasinayahan ang bagong tayong gusali ng Navotas Polytechnic College na magkakaloob ng de kalidad at libreng edukasyon sa mga estudyante ng lungsod.
Naniniwala ang lokal na opisyal na ang edukasyon ang naglalatag ng batayan para sa mas malakas at progresibong Navotas at paghahanda ito para sa kinabukasan, hindi lang ng mga kabataan kundi pati na rin ng kanilang lungsod.
Mga bagong halal na opisyal, nagsimula na sa kanilang tungkulin
Nagsimula ng magtrabaho ang mga bagong halal na miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng Navotas matapos silang makapanumpa sa tungkulin sa harap ni Exetuive Judge Ronald Q. Torrijos.
Naitayo na ng mga halal na opisyal ang limang proyektong pabahay, 80 pumping stations, fire stations, Navotas City Hospital, 12 health centers, at ang bagong Navotas Polytechnic College at Navotas Convention Center.
Ang pinakamalaking hamon noon sa siyudad ay ang problema sa kaayusan at katahimikan, tambak na basura, talamak na ilegal na sugal, at palagiang pagbaha.
Pagbati sa mga bagong scholar ng Navotas
MAY 33 estudyante at dalawang guro ang nabigyan ng scholarship grant ng Navotas City para sa school year 2025-2026 sa ilalim ng nilagdaang kasunduan na may kaugnay pa rin sa pagdiriwang ng 18th cityhood anniversary.
Layunin nito hindi lamang ng tulong pinansiyal ang mga estudyante kundi upang bigyan sila ng pag-asang matupad ang kanilang mga pangarap.
Kasabay nito, binigyan ng sertipiko ang 272 trainees na nakakumpleto ng kani-kanilang kursong bokasyunal sa Navotas Vocational Training and Assessment (NAVOTAAS) Institute sa paniwalang ang kanilang kaalaman at kakayahan ang magsisilbing pundasyon ng kanilang pagunlad.
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com
