WOD Ang ilan lang sa mga namatay sa madugong drug war noong panahon ng administrasyon ni Rodrigo Duterte. File photo ni JON-JON C. REYES

Paglabag sa human rights sa DU30 drug war kinumpirma

55 Views

KINUMPIRMA ng isang opisyal ng pulisya na maraming paglabag sa karapatang pantao sa pagpapatupad ng madugong war on drugs ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Sinabi ni Col. Jovie Espenido, na isa sa mga kinilala ni dating Pangulong Duterte dahil sa kaniyang mga nagawa laban sa iligal na droga, inabuso ng mga taong malapit sa dating Pangulo at kanyang mga kasamahan sa Philippine National Police (PNP) ang “tokhang” upang kumita.

Bagamat mayroon umanong mga napatay na drug lord, sinabi ni Espenido na karamihan sa mga pinaslang ay mga ordinaryong user at pusher.

“Para sa akin, mga biktima sila, gusto ko sana silang bigyan ng second chance,” sabi ni Espenido.

Nang matalaga sa Leyte, Ozamiz City at Bacolod City, sinabi ni Espenido na sinabihan niya ang kaniyang mga tauhan na ang big-time pusher, supplier at drug lord ang habulin at hindi ang mga maliliit na user at pusher na tinawag nitong “victims.”

Dumami umano ang paglabag sa karapatang pantao dahil sa “quota and reward system” kung saan binibigyan ng reward ang mga pulis na nakakapatay ng mga drug suspect.

Ang quota umano ng liderato ng PNP ay 50 hanggang 100 kada araw na bahay ng user at pusher ang katukin.

“My mission was for the drug suspects to surrender to be rehabilitated. Nobody died during my stints in Albuera (Leyte) and Bacolod,” sabi ni Espenido.

Sinabi rin ng opisyal na P20,000 ang reward sa bawat mapapatay.

“The funding came from operators of small town lottery or jueteng lords who give money to the police regional commanders, provincial commanders, down the line,” sabi nito.

Sinabi ni Espenido na ang kaniyang istasyon ay tumatanggap lamang ng reward mula sa lokal na pamahalaan at ang pera ay kanilang ginagamit para pondohan ang kanilang operasyon.

Nang italaga sa Ozamiz City, sinabihan umano siya ng noon ay PNP chief at ngayon ay Sen. Ronald Dela Rosa na huwag galawin ang isang mayor na siyang small town lottery operator at pinaniniwalaan din na isang drug lord.

Ang intelligence funds at pera mula sa mga Philippine offshore gaming operation (POGO) ay ginagamit umano upang pondohan ang reward system.

“After these POGOs were able to register with the government, funding was funneled downward from the level of Bong Go,” sabi ni Espenido.

Halos 30,000 drug suspect ang pinaniniwalaang namatay sa anti-drug campaign ng nakaraang administrasyon.