Cong Mike Romero

Paglantad ng mga naging biktima ng “ayuda scam” sa Mindanao suportado ni Romero

Mar Rodriguez Feb 1, 2024
127 Views

KINAKATIGAN ng Chairman ng House Committee on Poverty Alleviation na si 1-PACMAN Party List Cong. Michael “Mikee” L. Romero ang panawagan para sa mga naging biktima ng “ayuda scam” sa ilang lugar sa Mindanao na lumantad para magbigay ng kanilang testimonya.

Sinbi ni Romero na makakatulong ng malaki sa ikakasang pagsisiyasat ang paglantad ng mga biktima upang mapapanagot ang mga taong nasa likod ng “ayuda scam” sa Mindanao at para mawakasan narin ang katiwaliang ito.

Ikinuwento ni Romero na gumagamit umano ng mga nasa likod ng scam ng illegal na paraan sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) Program sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para makapagloko ng libo-libong residente ng Mindanao.

Hinihikayat ni Romero ang mga biktima na lumantad upang magbigay ng testimonya kaugnay sa kaso para mapapanagot ang mga taong nasa likod ng ayuda scam. Kung saan, ipinahayag ng kongresista na mahihinto lamang modus na ito kung makikipag-tulungan ang mga naging biktima.

“Kailangan nilang makipag-tulungan sa isinasagawang imbestigasyon para mawakasan na ang problemang ito. Hindi matatapos ang problema ng ayuda scam na ito kung mananahimik lamang sila. Kailangan natin magkatulungan para matuldukan na ang katiwaliang ito,” sabi ni Romero.

Samantala, inihayag din ni Romero na tuloy-tuloy ang pagbibigay nito ng serbisyo para sa mga nangangailangan sa pamamagitan ng medikal, libreng edukasyon, pagbibigay ng trabaho at iba pang kahalintulad na ayuda kabilang na ang pagkakaloob nito ng financial assistance.

Bukod dito, ipinagmamalaki din ng kongresista na nakapag-pasa na rin siya ng napakaraming panukalang batas na malaki ang maitutulong para sa mga mahihirap na pamilya at mga mamamayan na nasa kalunos-lunos na kalagayan.