Romero

Pagmamahal, malasakit ni Speaker Romualdez para sa mga pasyente ng PCMC, pinapurihan ng House Committee on Poverty Alleviation

Mar Rodriguez Dec 17, 2024
48 Views

PINAPURIHAN at pinasalamatan ng Chairperson ng House Committee on Poverty Alleviation na si 1-PACMAN Party List Rep. Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D., si House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez matapos nitong iparamdam sa mga batang pasyente at kanilang pamilya ang malasakit at pagmamahal ng Kamara de Representantes kaugnay sa ginanap na People’s Day sa Philippine Children’s Medical Center (PCMC) sa Quezon City.

Ayon kay Romero, ang naging pagkilos ng House Speaker kasama ang maybahay nitong si TINGOG Party List Rep. Yedda Marie K. Romualdez ay pagpapakita ng malaking malasakit ng liderato ng Kongreso para sa mga batang pasyente na nangangailangan din ng atensiyon at pagkalinga ng pamahalaan.

Paliwanag ni Romero na hindi lamang ang mga mahihirap na mamamayan ang tinutulungan at kinakalingan ng Kamara de Representantes. Bagkos, maging ang mga kabataan at mga bata may karamdaman partikular na sa panahon ng Kapaskuhan.

Sabi ng kongresista na tinatayang nasa 130 mga bata ang napasaya ni Speaker Romualdez na ikinagagalak aniya ng House Committee on Poverty Alleviation dahil ang lahat ng pagtulong at pagkalinga na ginagawa ng liderato ng Mababang Kapulungan ay itinuturing nilang isang dakilang hakbang para sa kagalingan ng mga mamamayang Pilipino.

Umaasa naman si Romero na maraming pang pagtulong ang ipapaabot ng Kamara de Representantes sa pangunguna ni Speaker Romualdez para sa mga kabataan at mga batang pasyente bukod sa pamamahagi ng tulong para sa mga mahihirap na mamamayan.