Belmonte

Pagpapabakuna higit pang pina-igting ng QC Gov’t sa pamamagitan ng Pinlakas Vaccination drive

Mar Rodriguez Sep 1, 2022
170 Views

Booster vax drive pinaigting ng QC gov’t

HIGIT pang pina-igting ni Quezon City Mayor Josefina “Joy” Belmonte ang pagpapa-bakuna sa lahat ng residente ng Lungsod sa pamamagitan ng PinLakas booster vaccination drive na inilunsad ng QC government laban sa pananatili ng COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Mayor Belmonte na katuwang ng lokal na pamahalaan ng QC ang Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) sa pangunguna ng Regional Director nito na si Gloria Balboa kung saan sinimulan ang nasabing “vaccination drive” sa Commonwealth Market.

Ipinaliwanag ng QC Mayor na layunin ng PinLakas vaccination program na tiyakin na ang lahat ng mamamayan ng Lungsod ay mapapabakunahan o makakuha ng kumpletong booster shots upang mas lalo pang palakasin ang kanilang “immune system” bilang panlaban sa COVID-19.

Nabatid pa kay Belmonte na mahigit 500 market vendors at mga residente sa paligid ng Commonwealth Market ang naturukan ng pangunahing booster shots sapagkat sa halip na papuntahin pa umano sila sa isang “vaccination site” ay inilapit na nila ang pagpapabakuna sa mga tao.

“Imbes na papuntahin pa ang mga tao sa ibang vaccination site, nilalapit na mismo natin yung bakuna sa mga market vendor para hindi na nila kailangan pang iwanan ang kani-kanilang puwesto na pinagkukuhanan nila ng panggastos,” sabi ni mayor Belmonte.

Ipinahayag din ng Alkalde na sa pamamagitan ng inilunsad nilang programa nagawa din nilang anyayahan ang mga Muslim leaders para isulong ang importansiya ng COVID-19 vaccination para sa kanilang mga kapatid (Muslim) na nag-aalinlangang magpabakuna.