Reyes

Pagpapataw ng sin tax sa mga alak, sigarilyo, vape iminungkahi ng ANAKALUSUGAN Party List para mapondohan ang UHC

Mar Rodriguez Mar 24, 2023
258 Views

IGINIGIIT ngayon ng ANAKALUSUGAN Party List Group sa Kamara de Representantes ang pagpapataw ng mataas na buwis na mas kilala bilang “sin tax” para sa mga “bisyo” o mga produktong tulad ng alak at sigarilyo kabilang na ang “vape” para mapondohan ang Universal Health Care (UHC).

Sinabi ni ANAKALUSUGAN Party List Congressman Ray T. Reyes na malaki aniya ang maitutulong ng kaniyang panukala upang mapigilan ang pagtaas ng mga kaso ng tinatamaan ng “tobacco-related illness” tulad ng cancer.

Binigyang diin ni Reyes na layunin ng kaniyang panukala na mapondohan ang UHC at matiyak na mabibigyan ng mas maayos na serbisyong pang-kalusugan ang mga Pilipino partikular na ang mga kabataan.

Ipinaliwanag ni Reyes na batas sa naging pag-aaral ng University of the Philippines Population Institute (UPPI). Bumaba aniya ang bilang ng mga kabataan umiinom ng alcohol, sigarilyo at vape bunsod ng pagtaas sa halaga ng mga tinatawag na “sin products” dahil sa ipinataw na malaking tax para dito.

Nabatid din sa kongresista na alinsunod sa datos na inilabas naman ng Young Adult Fertility and Sexuality Study (YAFS). Sinasabi dito na dumausdos sa 12% noong 2021 ang bilang ng mga kabataang naninigarilyo mula sa edad na labinlima (15) hanggang dalawampu’t apat (24) na mula sa dating 22% noong 1994.

Sinabi pa ni Reyes na sa kasalukuyan. Ang Pilipinas ang may pinaka-mababang ipinapataw na “sin tax” kung ikukumpara sa ibang mga bansa sa buong mundo na nagpapatunay lamang na maraming pang trabaho ang kailangang gawin ng pamahalaan para makamit ang “standards” ng World Health Organization (WHO) para sa implemetasyon ng UHC.