Evacuation Center

Pagpapatayo ng evacuation center sa bawat lungsod at munisipalidad batas na

84 Views

PINAPURIHAN ni Senador Win Gatchalian ang paglagda sa isang batas na layong magpatayo ng permanenteng evacuation center sa lahat ng lungsod at munisipalidad sa bansa.

Ayon sa mambabatas, makatutulong ang bagong batas na ito upang hindi na gamitin ang mga paaralan bilang pansamantalang evacuation centers sa panahon ng mga sakuna.

Sa ilalim ng Ligtas Pinoy Centers Act (Republic Act No. 12076), dapat itayo ang naturang mga evacuation center sa mga strategic at ligtas na lokasyon sa komunidad na malayo sa panganib.
Magsisilbing agaran at pansamantalang silungan ang mga evacuation center para sa mga naapektuhan ng mga kalamidad at sakuna kagaya ng mga bagyo, baha, lindol, pagsabog ng bulkan, apoy, outbreak ng mga sakit, at iba pa.

Matagal nang nananawagan si Gatchalian na maisabatas ang panukalang ito mula pa noong una niyang termino bilang senador.
Una niyang inihain ang kanyang panukalang batas noong 2016 sa ika-17th Congress at muling inihain ito noong 2019 sa ilalim ng ika-18th Congress.

Upang matiyak na matatag ang mga evacuation center, dapat kayanin ng mga ito mga hanging may bilis na hindi bababa sa 300 kilometers per hour at lindol na hindi bababa sa 8.0 magnitude.
Nakasaad din sa panukalang batas ang mga pasilidad na dapat meron sa mga evacuation center kagaya ng tulugan ng mga evacuees, health care areas, at mga ligtas na espasyo para sa mga bata at kababaihan.

Ayon kay Gatchalian, makatutulong ang evacuation center sa mga lungsod at munisipalidad upang matiyak ng mga local government units ang kaligtasan ng mga mamamayan sa panahon ng mga sakuna.
Binigyang diin niya rin na nakakaantala sa pag-aaral ng mga bata ang paggamit sa mga paaralan bilang evacuation center.

“Ngayong pwede na nating patayuan ang bawat lungsod at munisipalidad ng evacuation center, mas matitiyak natin ang kaligtasan ng ating mga kababayan sa panahon ng mga sakuna. Dahil sa Ligtas Pinoy Centers Act, darating ang araw na hindi na tayo gagamit ng mga classroom bilang evacuation center,” ani Gatchalian.