Jinggoy

Pagpasa ng mahahalagang panukala binigyang-daan ng Senado

29 Views

KINATIGAN ni Senate President Pro Tempore Jose Jinggoy Ejercito Estrada ang pagpapaliban ng Senado ang nakatakdang pagtalakay sa Articles of Impeachment upang bigyang-daan ang agarang pagpasa ng mga panukalang batas na kabilang sa prayoridad ng administrasyon, habang papalapit ang sine die adjournment ng Kongreso.

Ipinaliwanag ni Estrada hinggil sa desisyon ng Mataas na Kapulungan, at binigyang-diin ang pangunahing mandato ng Senado bilang tagapagbalangkas ng batas.

“While among the functions and responsibilities of the Senate is to act as an impeachment court, its primary mandate is to legislate – to craft, deliberate, and pass laws that promote the general welfare of the people,” ani Estrada.

Batay sa datos, sangkot sa tinutukan ng Senado ang mga panukalang nakalista sa Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) gaya ng mga batas sa muling pagbangon ng ekonomiya, reporma sa sektor ng edukasyon, at digital na modernisasyon.

Ayon kay Estrada, ang pagpapaliban ay resulta ng koordinasyon sa pagitan ng tatlong sangay ng pamahalaan. “Alinsunod din ito sa napagkasunduan sa LEDAC meeting na binubuo ng Ehekutibo, Senado at Mababang Kapulungan,” dagdag niya.

Kabilang sa mga nanguna sa pagsuporta sa nasabing hakbang si Senate President Francis “Chiz” Escudero, na matagal nang iginigiit ang pangangailangang unahin ang mga panukalang batas na may direktang epekto sa mamamayan. Sa mga naunang pahayag, iginiit ni Escudero na ang paggawa ng batas ang pangunahing tungkulin ng Senado.

Dahil dito, ang pagtalakay sa Articles of Impeachment na orihinal sanang isasagawa bago ang pagtatapos ng sesyon ay pansamantalang ipinatigil. Wala pang eksaktong petsa kung kailan ito muling isasalang, ngunit inaasahang mabibigyan ito ng atensyon sa pagbubukas ng susunod na sesyon.

Sa kabila ng pagkaantala, muling tiniyak ni Estrada na mananatiling tapat ang Senado sa tungkulin nito bilang tagapagtanggol ng Konstitusyon. “The passage of the priority bills should take precedence as asserted by Senate President Francis ‘Chiz’ Escudero as sine die adjournment marks the official end of our regular session,” aniya.

Napag-alaman din na ang mga usapin kaugnay ng impeachment ay itinakdang talakayin sa Hunyo 11, isang araw bago ang Araw ng Kalayaan na itinuturing na holiday.

Binigyang-diin ni Escudero na kailangang mauna ang mga panukalang may agarang pangangailangan bago tuluyang magsara ang sesyon ng Kongreso.