Calendar
Pagsasaayos ng operasyon ng paliparan tiniyak ni PBBM
TINIYAK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pagagandahin ng gobyerno ang operasyon ng paliparan ng Maynila kasabay ng pagpapalakas ng sektor ng turismo.
Sa pakikipagpulong ni Marcos sa Private Sector Advisory Council (PSAC) Tourism Sector Group sa Malacañang, binigyan-diin ng Pangulo ang kahalagahan na tugunan ang mga isyung kinakaharap ng paliparan gaya ng limitadong espasyo at hindi modernong teknolohiyang ginagamit sa pagproseso sa mga travel document.
Ayon sa mga opisyal ng mga ahensya na dumalo, wala ng magamit na espasyo sa mga terminal ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) upang madagdagan ang mga immigration counter.
Mayroon din umanong technical issue sa mga e-gates na humahawak sa mga pasaporte at visa.
“We should put a team specifically to study the technology para hindi na… to study all these proposals to see what it will take for us to be able to… The technology exists so it’s just a question of us adopting,” sabi ni Pangulong Marcos.
“We will keep… please keep monitoring and see how far we’ll get, where we’re falling behind, where we’re doing right,” dagdag pa ng Pangulo.
Pinag-aaralan din kung papaano magiging mabilis ang pag-alis at pagpunta sa paliparan ng mga pasahero.
Ayon sa Manila International Airport Authority (MIAA) inaaksyunan nito ang mga rekomendasyon ng PSAC. Isang website umano ang itinatayo kung saan makikita ang mga accredited taxi upang maiwasan umano na masakay ang mga pasahero sa kolorum.
Nakikipag-ugnayan na rin umano ang MIAA sa iba pang transport provider na tumatanggap ng electronic payment.