Barbers

Pagtatatag ng Dangerous Drugs Court isinulong ni Barbers

Mar Rodriguez Nov 15, 2023
169 Views

ISINUSULONG ng Chairman ng House Committee on Dangerous Drugs ang pagtatatag ng isang Dangerous Drugs Court sa lahat ng Lungsod at lalawigan sa buong bansa para mas lalong mapabilis ang paglilitis sa mga naka-pending na kaso na may kaugnayan sa illegal na droga.

Inihain ni Surigao del Norte 2nd Dist. Cong. Robert Ace S. Barbers, Chairman ng Committee on Dangerous Drugs, ang House Bill No. 9446 sa Kamara de Representantes na naglalayong lumikha ng isang “special court” sa lahat ng Lungsod at lalawigan sa buong bansa.

Ipinaliwanag ni Barbers na ang pangunahing layunin ng kaniyang panukalang batas ay upang gad na ma-resolba ang tinatayang nasa tatlong daang libong (300,000) kaso ng illegal na kasalukuyang nakabinbin o naka-pending sa iba’t-ibang hukuman dahil narin sa kakulangan ng mga Judges o Huwes na lilitis dito.

Binigyang diin ni Barbers na mula pa noong taong 2000 hanggang 2022. Nakapag-tala ng 405,062 drug case ang mga Korte sa buong Pilipinas na isinampa naman ng Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Gayunman, sinabi ng Surigao del Norte congressman na 28% lamang o mahigit 114,000 drug cases ang naresolba o na-desisyunan ng Hudikatura o Judiciary bunsod narin ng mabagal na proseso ng paglilitis.

Ayon kay Barbers, ang ganitong kalakaran ay isang malinaw na indikasyon na hindi aniya kaya ng mga Trial Courts na matugunan ang problema bunsod ng congestion at natatambakan ng mga kaso ang mga Hukuman kayo lalong bumabagal ang sistema ng hustisya o justice system sa Pilipinas.

“This has opened windows of opportunity for rogues in uniform popularly knowns as “ninja cops” to operate by recycling illegal drugs for the purpose of planting evidences or worse. Selling it back on the streets. Sa paglikha ng Dangerous Drugs Courts sa lahat ng Lungsod at probinsiya sa ating bansa, inaasahan natin na made-decongest na at mapapabilis ang proseso sa mga drug cases,” sabi ni Barbers.