Calendar

Panawan ng caucus sa Senado tinanggihan
TINANGGIHAN ni Senate President Francis Chiz Escudero ang panawagan ni Senate Minority Leader Koko Pimentel para sa isang caucus upang talakayin ang posibilidad ng maagang pagpapatawag ng Senate impeachment court bago muling magbukas ang Kongreso, iginiit niyang hindi ito naaayon sa itinakdang proseso ng Konstitusyon.
Sa panayam sa DZBB, binigyang-diin ni Escudero na hindi maaaring basta na lamang magtipon ang Senado bilang impeachment court o magsagawa ng special session nang walang tamang proseso, salungat sa pahayag ni Pimentel na pinapayagan ito ng Konstitusyon. “Bago yata ‘yan. Hindi pwedeng mag-special session ang Senado ng kami lang. May proseso, may procedure, at may mga basehan bago magpatawag ng isang special session. Hindi gano’n-gano’n na lamang.”
Iminungkahi ni Pimentel na magsagawa ng caucus ang Senate majority bloc upang pag-usapan ang direksyon ng impeachment case kahit hindi pa nagbabalik ang sesyon ng Kongreso. Aniya, ang ganitong pulong ay makakatulong upang mapagplanuhan ang susunod na hakbang, lalo na’t may panawagan mula sa publiko na simulan na ang paglilitis. Gayunman, nanindigan si Escudero na anumang desisyon kaugnay ng impeachment ay kailangang dumaan sa tamang proseso ng batas at ng institusyon.
“Kahit magkaroon ng clamor, hindi siya agad-agad,” ani Escudero bilang tugon sa lumalakas na panawagan para sa mabilisang pagdinig sa kaso. Idiniin niyang bagama’t natural lamang ang pag-uusap sa pagitan ng mga senador, hindi ito maaaring ipalit sa isang opisyal na proseso. “Yung caucus, kapihan, kainan, tanghalian, agahan, hapunan, hindi po special session ‘yan na pwedeng maglikha ng isang impeachment court.”
Pinuna rin niya ang pangangailangan ng ganitong diskusyon habang nasa recess pa ang Kongreso. “Hindi kayo pwedeng magpatawag ng impeachment trial because hindi naka-sesyon ang Kongreso. Naka-bakasyon kayo.”
Sa kabila ng pagnanais ng ilang sektor na mapabilis ang proseso, tiniyak ni Escudero na isasagawa ng Senado ang impeachment trial sa tamang paraan at alinsunod sa mga itinakdang patakaran ng Konstitusyon. Hinimok niya ang publiko na maghintay at ipinaalala na ang Senado ay magiging opisyal na impeachment court lamang kapag muling nagbukas ang sesyon ng Kongreso.
Patuloy na nakabinbin ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte. Ayon kay Escudero, kinikilala niya ang kahalagahan ng pagtalakay rito, ngunit iginiit niyang dapat igalang ng Senado ang batas at tiyakin ang maayos at makatarungang proseso sa halip na madaliin ang paglilitis.