Just In

Calendar

April 2025
M T W T F S S
 123456
78910111213
14151617181920
21222324252627
282930  
Mayor

Pandi mayor rumesbak matapos ibasura kasong rape vs sa kanya

30 Views

MATAPOS na ibasura ng korte ang kasong rape laban kay Pandi, Bulacan Mayor Enrico Roque at dalawang iba pa, rumesbak naman ang alkalde at naghain ng kontra-demanda noong Biyernes sa Caloocan City Regional Trial Court (RTC) Branch 121 laban sa mga taong diumano’y may gawa nito.

Ayon kay Roque, sinampahan niya umano ng mga kasong perjury at falsification of public or official document ang mga nasa likod ng kasong rape laban sa kanya na ibinasura naman ng korte.

Sa kanyang complaint-affidavit, sinabi ng alkalde na maling nirepresenta ng respondent ang kanyang sarili bilang biktima ng panggagahasa, at nagpresenta ng mga pekeng pampubliko at opisyal na dokumento bilang ebidensya na sumusuporta sa kanyang claim.

Kabilang sa mga dokumentong binanggit ay isang Endorsement to Conduct Medical Examination na may petsang April 7, 2019, at isang Medico-Legal Certificate na may petsang April 10, 2019.

“Ang mga paratang ay lubusang pinabulaanan ng maraming piraso ng ebidensya,” ani Roque.

Matatandaang noong nakaraang Pebrero 25, 2025, ibinasura ng korte ang mga gawa-gawang kaso ng panggagahasa laban kina Roque, Councilor Reynaldo Roxas at Rogelio Raymundo.

Base sa naging resolusyon ng Caloocan RTC sa pagbabasura ng naturang kaso: hindi kailanman nagpakita ang umano’y nagrereklamo sa kabila ng bigat ng kaso; ang panahon kung saan iniimbestigahan ang kaso ay higit sa limang taon, nang walang follow-up mula sa nagrereklamo; lumilitaw na mali ang address na ibinigay sa form ng data ng pagsisiyasat; at ang kalakip na medico-legal na sertipiko ay lumilitaw na gawa-gawa.

Naninindigan si Roque na ang kasong isinampa laban sa kanya ay hindi lamang gawa-gawa kundi politically motivated din, at isang malisyosong pag-atake sa kanyang pagkatao at reputasyon.

Samantala, sinabi ni Atty. Joji Alonso, legal counsel ng alkalde, ang mga tagasuporta at malalapit na kaalyado nito ay nagsama-sama para makalikom ng reward fund o pabuya na may kabuuang P2,000,000.

Ang halagang ito umano ay igagawad sa sinumang indibidwal na makapagbibigay ng konkretong impormasyon at kilalanin ang tao o mga taong responsable sa pagsasampa ng gawa-gawang kaso laban sa alkalde at dalawang iba pa.