Calendar

Pangasinan irrigation project pakikinabangan ng 11K ARBs
MAHIGIT 11,000 magsasakang Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) ang maaaring makinabang sa itatayong P950 milyong Lower Agno River Irrigation System (LARIS) sa Paitan dam sa Sta. Maria, Pangasinan.
Pinangunahan kamakailan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang groundbreaking ng proyekto na pangunahing proyektong pang-imprastruktura na ipinatutupad ng Department of Agriculture (DAR) at National Irrigation Administration (NIA) gamit ang pondo ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).
“Patunay ito na kung sama-sama tayong kikilos, kayang-kaya nating isulong ang makabagong teknolohiya na mapapakinabangan ng ating mga magsasaka,” sabi ni Pangulong Marcos Jr.
Kasabay ng groundbreaking ang pamamahagi ng P83.42 milyong halaga ng farm machineries and equipment (FMEs) sa 7,645 ARBs at 292 ARB organizations (ARBOs) sa naturang lalawigan.
Ayon kay DAR Secretary Conrado Estrella III, inaasahang matatapos sa Disyembre 2027 ang proyekto na naglalayong patubigan ang 12,041 ektarya ng lupang sakahan.
Inaasahang makikinabang ang 11,942 na magsasaka sa anim na bayan sa Pangasinan–Rosales, Sto. Tomas, Alcala, Bautista, Bayambang at San Manuel–gayundin sa San Manuel at Moncada sa Tarlac at Cuyapo sa Nueva Ecija.
“Ang gusto po ng ating mahal na Pangulo masolusyunan ang mga problema ng mga magsasaka, ang nagbibigay sa atin ng pagkain sa bawat tahanan.
Hindi pansamantalang solusyon, kundi solusyon na mapapakinabangan ng ating mga magsasaka hanggang sa mga susunod na henerasyon,” sabi ni Estrella.
Samantala, ang mga ipinamahaging farm inputs at FME kabilang sa Climate Resilient Farm Productivity Support (CRFPS) Project.
Mayroong 7,645 ARBs at 292 ARBOs ang tumanggap ng 28,000 pakete ng organikong pataba na nagkakahalaga ng P23.8 milyon, 10 four-wheel tractor na nagkakahalaga ng P49.6 milyon at 2 multi-role power stations na nagkakahalaga ng P10 milyon.
Ipinaliwanag ni Estrella na ng unang isinulong ang LARIS noong panahon ni Pangulong Ferdinand Marcos Sr., ang ama ng kasalukuyang Pangulo, katuwang ang dating Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella Sr., ang lolo ng kalihim.
“Ito pong proyektong ito, Mr. President, inumpisahan ng inyong ama at ng aking lolo. At nawa’y bendisyunan tayo ng ating Mahal ng Panginoon upang ang inumpisahan ng ating mga ninuno ating matupad,” sabi ng kalihim.