Romero1

Panukalang batas ni Romero para sa pagtatag ng E-Commerce Bureau nakasalang na sa 3rd reading

Mar Rodriguez Mar 24, 2023
199 Views

NAKASALANG na ngayon sa Plenaryo ng Kongreso para sa “Third Reading” ang panukalang batas na isinulong ng 1-PACMAN Party List Group na naglalayong magtatag ng “E-Commerce Bureau” upang protektahan ang mga Pilipino consumers na lumalahok sa “internet transactions”.

Bagama’t naka-break na ang session sa Kamara de Representantes para sa “Holy Week Season” o Kuwaresma. Naniniwala naman si 1-PAMAN Party List Congressman Michael “Mikee” T. Romero, Ph.D. na sa pagbabalik ng nasabing sesyon ay tuluyan ng maaaprubahan ang House Bill No. 4917.

Ipinaliwanag ni Romero na hindi aniya mapasusubalian ang katotohanan na ang lahat ng transaksiyon ngayon ay matatagpuan na sa pamamagitan ng “internet” kung saan maging ang mga transaksiyon sa negosyo ay maaari narin gawin sa internet. Kung kaya’t mas lalong napapadali ang proseso.

Sinabi din ni Romero na hindi rin kayang itanggi na may mga kaso ng illegal na gawain at panloloko sa “internet transactions” partikular na noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic. Kung saan, naging talamak ang mga “scam” sa internet sa pamamagitan ng mga pekeng produkto.

Dahil dito, binigyang diin ni Romero na para maprotektahan ang general public partikular na ang mga Pilipinong mahilig makipag-transaksiyon sa internet sa pamamagitan ng mga binebentang produkto online at iba pa. Mahalaga aniya na maitatag ang isang “E-Commerce Bureau”.

Sa ilalim ng panukala ng kongresista, layunin nito na maprotektahan o mapangalagaan ang kagalingan ng mga Pilipino consumers sa tulong ng E-Commerce Bureau na magpapataw ng mga alituntuin upang papanagutin ang mga nasa likod ng mga scam sa internet o online.

Ang panukalang batas ni Romero ay kabilang sa napakaraming kahalintulad na panukalang batas na isinulong ng iba pang kongresista na mayroong parehong layunin para protektahan ang mga Pilipino consumers.