Calendar

Parak napatay suspek sa pagtodas sa kapwa nila parak
Nina CHRISTIAN SUPNAD at BERNARD GALANG
CAMP OLIVAS, Pampanga–Napatay sa engkwentro sa Zone 7, Brgy. Bacagan, Baggao, Cagayan noong Hunyo 4 ang principal suspek sa pagpatay ng dalawang pulis-Bulacan, ayon sa mga pulis.
Kinilala ni B/Gen. Jean Fajardo, PNP Region 3 director, ang napatay na si Edison Bayumbon Malubay, alyas Xander.
Nahaharap sa kasong double murder kaugnay ng pagpaslang kina PSSg Dennis Cudiamat at PSSg Gian George Dela Cruz, kapwa miyembro ng Bocaue Municipal Police Station, noong Marso 8, 2025, ang napatay.
Pinagsanib na puwersa mula sa Baggao Police Station, Regional Intelligence Divisions 2 at 3, Regional Intelligence Units 2 at 3, Provincial Intelligence Units ng Cagayan at Bulacan ang operasyon na nagresulta sa pagkamatay ng suspek.
Sa gitna ng operasyon, bigla umanong bumunot ng baril ang suspek at sumigaw ng “hindi ako magpapahuli ng buhay” kaya pinaputukan ng mga pulis.
Narekober sa crime scene ang isang Glock pistol na positibong kinilalang pagmamay-ari ni PSSg Cudiamat.
Batay sa imbestigasyon, kinuha ito ng suspek matapos niyang barilin si Cudiamat
“Nakamtan na ang hustisya para kina PSSg Cudiamat at PSSg Dela Cruz at para na rin sa kanilang mga naiwang pamilya.
Sa lahat ng operatibang lumahok sa operasyon, saludo kami sa inyong katapangan at dedikasyon,” ani P/BGen. Fajardo.