PBA

PBA: Fajardo hindi maawat

Robert Andaya May 21, 2024
109 Views

HINDI maawat si seven-time PBA MVP June Mar Fajardo ng San Miguel Beer.

Ang 6-10 na si Fajardo, na tinatawag ding “Kraken” ng kanyang madaming PBA fans, ay nag-average ng 23.3 points, 14.3 rebounds, 3.3 assists, at 1.3 blocks sa nakalipas na tatlong playoff wins ng Beermen, kabilang na ang dalawang panalo laban sa Rain or Shine sa PBA Philippine Cup semifinals.

Tinalo ng San Miguel ang Rain or Shine, 101-98, sa Game 1 nitong May 17 at 105-89, sa Game 2 nitong May 19 para lumapit sa finals.

Dahil din dito, kinilala ng PBA Press Corps si Fajardo billang Pilipinas Live “Player of the Week” para sa period na May 15-19.

Tinalo ni Fajardo para sa weekly award, na ipinagkakaloob ng mga sportswriters mula iba’t ibang broadsheets, tabloids at online na sumusubaybay sa PBA beat, ang iba pang magagaling ding mga players tulad nila Chris Newsome ng Meralco at Stanley Pringle at Christian Standhardinger ng Barangay Ginebra.

TInukoy din ni San Miguel coach Jorge Gallent ang mahusay na paglalaro ni Fajardo.

“We have to take advantage of what we have. We have June Mar so we have to take advantage of him and we have to evolve through him. He is doing great making his teammates better,” paliwanag ni Gallent.

“Ang feeling ko, no one can stop him inside the paint. That’s what we did in the third quarter,” dagdag pa ni Gallent.

Ang Game 3 ng best-of-seven series ng San Miguel at Rain or Shine ay lalaruin sa Wednesday sa Dasmariñas, Cavite na kung saan nakatutok muli ang mga mata ng basketball world kay Fajardo.