BBM1 Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

PBBM bukas makipagkasundo sa lahat para sa taumbayan — PCO

16 Views

BINIGYANG-DIIN ng Malacañang nitong Miyerkules na bukas si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pakikipagkasundo sa kahit sinong may ibang pananaw sa pulitika—para sa kapakanan ng bansa, hindi para sa interes ng iilan.

Sa isang press briefing, nilinaw ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang nais ni Pangulong Marcos ay pambansang pagkakaisa, hindi pagkakaayos lamang sa iisang tao o grupo.

“Ang pakikipagkasundo po ay para sa taumbayan, hindi para sa personal na interes ng iba,” ani Castro. “Gusto ng Pangulo ng pagkakaisa para magkaroon ng stability, magampanan ang dapat gampanan, at hindi madiskaril ang trabaho ng gobyerno.”

Dagdag pa ni Castro, ayaw ng Pangulo ng alitan o bangayan, lalo pa’t ito’y nagpapabagal sa pagtupad ng tungkulin ng gobyerno, at nauuwi lamang sa paninira at fake news.

Matatandaang sa unang episode ng kanyang podcast na inilabas nitong Lunes, binanggit ni Marcos ang kahandaang makipag-ayos sa pamilya Duterte para sa “kapayapaan at kaayusan sa bansa.”

Ngunit ayon sa Malacañang, hindi ito limitado sa kanila—ang hangarin ni Pangulong Marcos ay makipagkasundo sa lahat.

“Noong tinanong siya kung open siya for reconciliation, wala pong sinabi ang Pangulo na hindi ipatutupad ang batas. Wala ring sinabi na magpapatawad kung may pagkakasala,” ayon kay Castro.

“Ang layunin ay maiwasan ang gulo at matupad ang kanyang mga pangako sa bayan.”

Giit pa ng opisyal, hindi dapat nilalagyan ng kondisyon ang pagkikipagkasundo kung tunay na kapakanan ng bayan ang iniisip. At kahit siya pa ang ginagawan ng fake videos o paninira, handa ang Pangulo na magsakripisyo.

“‘Yan po ang dapat ginagawa ng isang ama ng bayan,” pagtatapos ni Castro. Philippine News Agency