Calendar

PBBM di makikialam sa hiling ni Duterte sa ICC
SINABI ng Malacañang na hindi makikialam ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa desisyon o estratehiya ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng kanyang kahilingan para sa pansamantalang paglaya mula sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, may kalayaan ang abogado ni Duterte, si Atty. Nicholas Kaufman, na isulong ang kanilang mga legal na hakbang.
Ngunit iginiit din ni Castro na huwag gamitin ang pangalan ni Pangulong Marcos sa anumang dokumento o propaganda, at iwasan ang pagsisinungaling o pamumulitika.
“Kung anuman ang magiging istratehiya nila Atty. Kaufman, gawin po nila iyan at wala pong magiging pakialam ang Pangulo, ang Palasyo, ang gobyerno patungkol po diyan,” ani Castro.
Dagdag pa niya, ang payo lang ng Palasyo ay huwag gamitin ang pangalan ng Pangulo sa anumang pulitikal na layunin.
Ang kampo ni Duterte ay naghain ng kahilingan sa ICC noong Hunyo 12 para sa pansamantalang paglaya, na nagsasabing hindi siya banta sa mga saksi, hindi rin siya tatakas, at may intensyon siyang makipagtulungan sa proseso ng korte.