Calendar
PBBM nagparangal ng Gawad Kalasag Seal kay Malapitan
TINANGHAL na Best Highly-Urbanized City sa buong bansa para sa Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) and Humanitarian Assistance programs ang Caloocan City.
Mismong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang nagparangal ng Gawad Kalasag Seal kay Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan dahil sa pagkilala ng Office of Civil Defense-National Disaster Risk Reduction and Management Council (OCD-NDRRMC) sa lungsod.
Iginawad ng OCD-NDRRMC sa Caloocan, kasama ang City Disaster Risk Reduction and Management Department (CDRRMD), para sa mga DRRM programs na ipinatupad nito na humigit pa sa internasyonal na batayan at sa pagsiguro ng kahandaan laban sa mga sakuna sa lahat ng antas ng lipunan.
Kinilala rin ng OCD-NDRRMC ang pagtatayo ng mga Alert and Monitoring Stations sa iba’t-ibang bahagi ng lungsod at ang emergency hotline na 888-ALONG.
Ipinagmalaki ni Mayor Along ang pagtanggap ng nasabing parangal at nabanggit na katuparan iyon ng kanyang layunin na maging isa sa mga nangungunang local government unit pagdating sa DRRM.
“Isang malaking karangalan na tanggapin mula mismo kay Pangulong Bongbong Marcos ang pagkilala bilang numero uno sa buong Pilipinas pagdating sa pagtugon sa mga sakuna at kalamidad,” ani Mayor Along.
“Natatandaan ko na noong aking unang isang daang araw, sinabi ko na pangarap ko na maging isa tayo sa mga nangungunang Disaster Risk Reduction Management Office sa Pilipinas.
Ngayong nagkaroon na ito ng katuparan, isang hamon po ito sa buong pamahalaang lungsod kung paano pa mas palalakasin at palalawakin ang ating mga programa,” sabi ng alkalde.
Binati ng alkalde ang CDRRMD at tiniyak na ang lahat ng mga kagawaran ng pamahalaang lungsod patuloy na magtutulungan upang pangalagaan ang publiko sa panahon ng kalamidad at iba pang emergency.
“Congratulations sa ating CDRRMD sa pagkamit ng Gawad Kalasag!
Ito ang tanda ng ating mahusay na pagseserbisyo sa mga Batang Kankaloo kaya naman mas pag-igihan pa natin ang pagtutok sa kaligtasan at kapakanan ng ating mga kababayan, upang maging panatag sila hindi lamang sa panahon ng matinding sakuna kundi sa kahit anong hindi inaasahang pangyayari,” ayon kay Malapitan.