Condo

PBBM pinamigay 4 na condo units sa mga OFW

Chona Yu Dec 17, 2024
66 Views

APAT na condominium units sa PInamalayan, Nueva Ecija ang ipinamigay ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga overseas Filipino workers.

Sa Pamaskong Handog para sa mga OFW sa Family, nagpa-raffle ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ng dalawang condo unit.

Pero dahil sa kantiyawan ng mga pamilya ng mga OFW, dinagdagan ito nina Pangulong Marcos at First Lady Liza Marcos ng dalawa pang condo units.

Ginawaran din ng parangal ni Pangulong Marcos ang limang natatanging OFW.

May limang OFW din ang nakakuha ng P500,000 na subsidiya sa gobyerno para sa kinuhang pabahay sa Nueva Ecija.

Bukod sa Mabuhay Lounge sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3, nangako si Pangulong Marcos na dagdagan pa ito sa iba pang mga international airports para mayroong pahingaan ang mga OFW habang naghihintay ng kanilang biyahe sa ibat ibang bahagi ng mundo.

Hindi rin naiwasan nina Pangulong Marcos at First Lady Marcos na maiyak nang mag-perform ang mga anak ng mga OFW sa kantang “Pasko na Sinta Ko.”

“Kayo ang naging katunayan na kayang-kayang makipagsabayan ng mga Pilipino sa talento, sa talino, at sa husay ng mga pinaka-magagaling sa buong mundo,” pahayag ni Pangulong Marcos.

“Higit pa riyan, ang tulong na inyong ibinabalik sa ating bansa sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga remittances ay talaga naman ay hindi mapapantayan.”