Castro Palace Press Officer Claire Castro

PBBM suportado rule of law, di makikialam sa impeachment trial ni VP Sara

22 Views

HINDI makikialam si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa isinasagawang proseso ng impeachment laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte, ayon sa Malacañang nitong Biyernes, bilang pagpapakita ng paggalang sa mga institusyon at sa prinsipyo ng separation of powers.

Bagama’t may personal na agam-agam si Pangulong Marcos hinggil sa impeachment kay Duterte, iginiit ng Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na wala ito sa saklaw ng kapangyarihan ng ehekutibo.

“Sa pagkakataon po ng impeachment trial, alam po natin, impeachment trial is not the business of the executive. Hindi po makikialam ang Pangulo pagdating diyan, pero sinabi po niya, na dapat umandar ang proseso, respeto at due process,” pahayag ni Castro sa isang press briefing.

Ayon pa kay Castro, nasa kamay na ngayon ng Kongreso ang usapin, kung saan ang mga miyembro ng House of Representatives ang magsisilbing taga-usig, habang ang mga senador ang gaganap bilang mga hukom.

Nilinaw din ni Castro na ang naunang pahayag ng Pangulo laban sa impeachment ay hindi dapat ipakahulugang tutol siya sa pananagutan ng mga opisyal, kundi isa lamang itong personal na pananaw.

“Hindi po ito nangangahulugang tinatanggihan ng Pangulo ang prosesong nakasaad sa Konstitusyon,” dagdag ni Castro.

“Pag sinabi po natin proseso, dapat sundin ang batas. Ang taong bayan na po ang titingin at maghuhusga sa mga taong nasa loob o maaaring gumalaw para sa impeachment trial,” aniya.

Dagdag pa ni Castro, tungkulin ngayon ng mga taga-usig sa Kamara at ng mga senator-judges na gampanan ang kanilang trabaho ayon sa batas.