Calendar
PCSO Chorale nakasungkit ng kampeonato sa Korea Int’l Choir Competition
PANIBAGONG parangal at pagkilala ang makakamit ng Pilipinas sa mundo ng musika dahil sa ipinamalas na husay at galing ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Chorale na nakasungkit ng kampeonato sa Korea International Choir Competition.
Nilampaso ng PCSO Chorale ang 47 mga koro mula sa iba’t-ibang bansa, kabilang ang Indonesia, South Korea, Russia, Taiwan, Malaysia, Poland at maging Estados Unidos, matapos itanghal na Grand Prix Champion sa kanilang pag-awit ng “Puer Natus in Bethlehem” at “Te Lucis Ante Terminum” .
Nagkaisa ang 14 na miyembro ng inampalan na kinatatampukan ng mga eksperto sa choral at mga propesyunal sa musika mula sa iba’t ibang panig ng mundo na ipagkaloob ang kampeonato sa PCSO Chorale sa pagtatapos ng kompetisyon.
Bukod dito, nakopo rin nila ang dalawang gintong medalya sa kategoryang Sacred Music at Mixed Category kaya’t nakakasiguro na sila sa paglahok sa 7th Asia Choral Grand Prix na gaganapin sa Maynila sa susunod na taon na lalahukan ng mga nagwagi na ring mga choir sa buong rehiyon.
Ayon kay PCSO General Manager Melquiades Robles, ito ang unang paglahok ng PCSO Chorale sa internasyunal na kompetisyon at ang kahanga-hanga nilang tagumpay ay sumasalamin lang sa kakaiba nilang talento at dedikasyon na nagdulot ng pagmamalaki, hindi lang sa institusyon, kundi sa buong sambayanang Pilipino.
Tiniyak din ni Robles ang patuloy na suporta ng PCSO sa grupo, lalu na sa kanilang paghahanda at matiyagang pagsasanay sa susunod na lalahukang kompetisyon dahil dito aniya sila nakakakuha ng inspirasyon upang mapagbuti pa ang tungkulin sa pagkakaloob ng tulong sa taumbayan.
Nauna nga palang itinatag noong 1998 ang PCSO Chorale na kinatatampukan ng mga kawani ng ahensiya at muli itong binuhay at pinasigla noong Setyembre 2023 sa ilalim na ng pamumuno General Manager Robles at Choir Conductor Robert Delgado.
Ika-limang Seal of Good Education Governance, nasungkit ng Navotas
Sa limang sunod na pagkakataon, muling nasungkit ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas ang Seal of Good Education Governance mula sa Synergeia Foundation dahil sa patuloy na pagsisikap na mapabuti ang mga resulta ng edukasyon at pagpapalakas ng lokal na pamamahala sa paglinang ng kaalaman.
Tinanggap ni Navotas School Division Superintendent Dr. Meliton Zurbano ang parangal, kasama ang kanyang mga opisyal, sa ginanap na 2026 National Educational Summit kung saan tatlo lamag sa National Capital Region ang napagkalooban ngayong taon.
Binigyang pugay ni Mayor John Rey Tiangco ang pagkilala sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan, paaralan, mga magulang, at mga stakeholder ng komunidad na nagkaisa para makabuo ng makabuluhang pagbabago sa edukasyon ng mga kabataan.
Kabilang sa mga pangunahing inisyatiba ang ginawa nilang pamamaraan para mapalakas ang pakikilahok ng mga magulang sa edukasyon na nagresulta sa pagkumpleto ng Project APAT o “Ang paaralan sa Aming Tahanan” na nagtataguyod bilang karugtong ng paaralan ang bawa’t tahanan para gabayan at suportahan sa pag-aaral ang kanilang mga anak.
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com
