Barbers

PDEA, PNP, NBI pinayuhang wag matulog sa pansitan vs illegal na droga

Mar Rodriguez Mar 16, 2022
272 Views

PINAALALAHANAN ng isang Mindanao solon ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) na huwag magpakampante at huwag nilang lubayan ang kanilang anti-drug campaign kahit panahon ngayon ng eleksiyon.

Binigyang diin ni Surigao del Sur Rep. Robert Ace Barbers, Chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, na kahit panahon ng eleksiyon ay hindi naman nangangahulugan na magla-lie low narin ang bentahan ng illegal na droga.

Kaya hindi aniya dapat magpa-relax relax o “patulog-tulog sa pansitan” ang mga nabanggit na ahensiya kaugnay sa kanilang kampanya laban sa palasak na bentahan ng illegal na droga.

Ipinaliwanag ni Barbers na mas magiging masigasig pa nga ang mga drug lords at ilang personalidad na kabilang sa tinaguriang “narco-politics” upang paigtingin ang bentahan ng illegal na droga para mangalap ng pondo na gagamitin sa pangangampanya ngayong National at local elections.

Sinabi din ni Barbers na may nasagap din siyang impormasyon na sa kasalukuyan ay may mga “drug lords” ang nanliligaw umano ng mga kandidato para mangalap ng impluwensiya bilang proteksiyon sa kanilang “illegal activities”.

“I am urging officials of the Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), the Philippine National Police (PNP), the National Bureau of Investigation, and other government anti-drug agencies not to let their guards down in their campaign during the election period,” ayon sa mambabatas.

Sinabi pa ng kongresista na isa ng “open secret” na kinakaibigan at namimili ng impluwensiya ang mga drug lords sa mga opisyal ng pamahalaan at ilang politiko upang magkaroon ng proteksiyon ang kanilang illegal drug trade.

“It is a fact that drug lords befriend and buy influence from some politicians and other government officials – from the national to the local level – who they expect in return to coddle and protect them in the future in exchange for drug money in their campaign kitties,” dagdag pa ni Barbers.

Dahil dito, iginiit niya sa mga nabanggit na law enforcement agencies na huwag maging kampante sapagkat sa panahon na abala ang lahat dahil sa kampanya. Ang mga drug lords din ay abala din umano para mangalap ng impluwensiya mula sa mga kandidato.

“Di dapat mag-relax ang mga opisyal ng ating mga anti-drug agencies sa kanilang kampanya laban sa illegal na droga habang panahon ng kampanya sa eleksyon dahil busy din ang mga sindikato ng droga na mag-tulak para mai-finance nila ang kanilang mga kandidato para sa darating na halalan sa Mayo,” sabi pa ni Barbers.

Iminungkahi din niya na dapat din paigtingin ng mga tauhan mula sa Bureau of Customs (BOC) at mga law enforcement units sa mga airports at seaports laban sa anumang mga tangka na magpapasok ng illegal na droga sa bansa.