MMFF

Pelikula nina Vice Ganda, Nadine nanguna sa unang araw ng MMFF

Eugene Asis Dec 26, 2025
495 Views

NANGUNA ang pelikula nina Vice Ganda at Nadine Lustre na “Call Me Mother”, pumangalawa ang “Shake, Rattle and Roll: Evil Origins”, samantalang ikatlo ang “Unmarry” at ikaapat ang “Love You So Bad” sa naitala sa unang araw ng taunang Metro Manila Film Festival ayon sa website ng samahan ng mga may-ari ng mga sinehan sa Pilipinas.

Sa magkahiwalay na record, pareho nang naguna sa takilya ang mga pelikula nina Vice Ganda at Nadine Lustre sa mga nakaraang MMFF.

Ayon sa isang insider, panlima ang “Barboys: After School” dahil sinasabing maraming SM cinemas ang nag-sold out tulad sa SM North Edsa ng 5PM; SM MOA Directors Club 8:15PM, SM City San Lazaro 4:30PM at SM Marikina Directors club 6:30pm. Nagkaroon din ito diumano ng additional screening sa SM City Fairview ng 10:15PM.

Maraming kabataan ang nanood ng “Barboys” na mga tagahanga nina Carlo Aquino, Kean Cipriano, Enzo Pineda at Rocco Nacino. Naging curious ang marami kung ano ang nangyari pagka-graduate nila at sa malaking papel na ginampanan ng beteranang aktres na si Odette Khan na sinasabing malaki ang pag-asang magka-award.

Bagama’t nasa pang-anim sa hindi opisyal na talaan, sinasabing malamang na makahabol ang “I’mPerfect” matapos ang awards night ngayong December 27 sa Dusit Thani Hotel. Umaasa rin ang mga prodyuser ng “Rekonek” at “Manila’s Finest” na makahabol sa takilya.

Magtatapos ang MMFF 2025 sa Enero 7, 2026 pero malamang na ma-extend pa ang mga malalakas sa takilya.