DA

Peste sa tubuhan sa Negros pupuksain ng DA, SRA

Cory Martinez Jun 6, 2025
17 Views

PINAIGTING ng Department of Agriculture (DA) at Sugar Regulatory Administration (SRA) ang pagsisikap para masawata ang peste na sumisira sa mga taniman ng tubo sa Bacolod City.

Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., puspusan ang pesticide spraying sa mga apektado ng pesteng red-striped soft scale insects (RSSI).

Nagpalabas na rin ang DA ng P10 milyon para sa pagbili ng pesticide para pangsuporta sa pest containment effort.

Nagsagawa ng inspeksyon si Tiu Laurel kasama si SRA Administrator Pablo Luis Azcona sa mga tubuhan sa Bacolod City bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ng agarang aksyon laban sa naturang problema upang mapigilan ang infestation.

“We have an ongoing pesticide spraying. With the support of the SRA and our regional office here, I’m confident we can quickly contain the infestation,” ani Azcona.

Dagdag pa ni Azcona, nakatukoy na ang mga mananaliksik ng SRA ng parasite na siyang maaaring magkontrol sa populasyon ng RSSI.

“But that solution will take time. For now, we must act immediately, so we are using chemical pesticides,” ani Azcona.

Inatasan ni Tiu Laurel ang Bureau of Plant Industry (BPI) na i-trace ang pinagmulan ng mga planting materials na maaaring nagdala ng peste mula sa Luzon.

“This situation underscores the importance of following quarantine protocols to prevent similar outbreaks,” diin ni Tiu Laurel.

Binunyag ng kalihim na mayroon ng plano upang mapataas ang produksyon ng asukal sa pamamagitan ng expanded irrigation, soil improvement gamit ang agricultural lime at paghahanap ng mapagkukunan ng higher-yielding planting materials.

Batay sa datos ng SRA, nasa 71 porsiyento ang national sugar output ng Visayas at 63% nanggagaling sa Negros Island.

Ang natitirang porsiyento galing sa Panay, Cebu at Leyte.