Stalzer Tinapos ni Lindsay Stalzer at ng F2 Logistics ang kanilang kampanya sa PVL Reinforced Conference ng maganda. PVL photo

PetroGazz di umubra sa F2

Theodore Jurado Nov 24, 2022
344 Views

NAWALIS ng sibak nang F2 Logistics ang PetroGazz, 25-16, 25-22, 27-25, upang tuldukan ang kanilang kampanya sa Premier Volleyball League Reinforced Conference ng maganda kagabi sa Philsports Arena.

Tumrangko ang Kalei Mau sa extended third set sa pagkamada ng krusyal na kills upang wakasan ang laro para sa Cargo Movers.

“Tanggal na kami but a win is a win. Babaunin namin ito para sa next conference,” said F2 Logistics coach Benson Bocboc. “Yung galaw na iyon, pang-championship iyon.”

Nanguna si Lindsay Stalzer para sa Cargo Movers na may 22 points, kabilang ang dalawang blocks, pitong digs at anim na receptions.

“It feels awesome. We finally got a win,” said Stalzer.

Kuminang rin si Mau para sa F2 Logistics na may 20 points at walong receptions.

“Our game plan is do our best,” sabi ni Mau.

Tumipa naman sina Lindsey Vander Weide at MJ Phillips ng tig-11 points para sa Angels, na tinapos ang elims na may 5-3 baraha. Sa unang laro, naipagpag ng Cignal ang masamang first set upang makopo ang 17-25, 25-22, 25-18, 25-14 panalo kontra sa Choco Mucho at masambot ang nalalabing semifinals berth.

Kinuha na agad ng HD Spikers ang No. 4 ranking sa semis sa third set makaraang bumira si Ria Meneses ng quick kill, at nawalan ng gana ang Flying Titans sa fourth.

Tinuldukan ang preliminary round campaign na may 5-3 record, sinamahan ng Cignal ang Creamline, Chery Tiggo at PetroGazz sa single-round semis simula bukas.

Ito ang ikatlong sunod na semifinals appearance ng HD Spikers – lahat kay coach Shaq delos Santos.

“Very thankful,” sabi ni Delos Santos. “Very proud sa team, especially sa mga players, kasi grabe din yung effort namin. Yung sa preparation namin especially sa game, ibinigay nila yung best nila at nasunod yung game namin.”

Ipinasok bilang first set substitute, nagtala si American Tai Bierria ng apat na blocks upang tumapos na may 18 points at kumuha ng 11 digs, nag-ambag si Ces Molina ng 13 points at siyam na digs, habang nagposte si Roselyn Doria ng match-best five blocks upang tumapos na may siyam na puntos para sa Cignal.

“I think we are all just happy for this moment,” sabi ni Bierria. “It’s a big deal being in the semifinals, you know. A lot of really talented teams did not make it. We were blessed one of them and it just shows how hard we worked. But we are not done, you know what I mean. We want to go and we still have more goals.”

Tinapos ng Choco Mucho ang kanilang kampanya na may 3-5 record, katabla ng PLDT at Akari.