PH-Japan

PH-Japan defense deal magpapalakas sa bansa

39 Views

MAS mapapahusay ang depensa sa mga hangganan ng bansa, mapoprotektahan ang mamamayan at masisiguro ang kapayapaan at katatagan sa Indo-Pacific nang hindi nasasakripisyo ang interes ng bansa sa ilalim ng kasunduan sa depensa na nilagdaan ng Pilipinas at Japan.

Ito ang pananaw ni Senate President Pro Tempore Jose “Jinggoy” Estrada matapos lagdaan ang Reciprocal Access and Cooperation Agreement sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Japan Self-Defense Forces (JSDF).

“As early as 2015, we have looked into the possibility of having a visiting forces agreement with Japan anchored on goals of enhancing our defense and security and confirming the importance of partnership upholding the rule of law to protect open, free and peaceful seas,” pahayag ni Estrada.

Sa kanyang pagsuporta sa pag-apruba ng Senado sa ratipikasyon ng kasunduan, sinabi ni Estrada na makikinabang ang bansa sa mga aspeto ng kakayahan at kahandaan sa depensa, pagtugon at paghahanda sa sakuna, katatagan ng rehiyon, pagpapalitan ng teknolohiya at kaalaman at mga economic at estratehikong ugnayan.

Binanggit din niya na ang kasunduan magpapadali ng mga pagsasanay militar sa pagitan ng AFP at JSDF at magpapataas ng kanilang interoperability at kahandaan.

Palalakasin din nito ang mga relief efforts sa panahon ng sakuna, na magbibigay-daan sa mas mabilis at coordinated response sa mga natural na kalamidad at makataong krisis.

Dagdag pa rito, binigyang-diin ng senador kung paano makakapagpalakas ang inisyatibang ito ng mas matibay na ekonomiko at estratehikong relasyon, pagpapalitan ng teknolohikal na kaunlaran at pagpapalawig ng kabuuang bilateral na ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at Japan.